Ngayon muli tayong magbabalik sa mga Amlicita sapagkat may marka ring inilagay sa kanila; oo, inilagay nila ang marka sa kanilang sarili, oo, maging isang markang pula sa kanilang mga noo.
Sa gayon natupad ang salita ng Diyos, sapagkat ito ang mga salitang sinabi niya kay Nephi:
Masdan, ang mga Lamanita ay isinumpa ko, at ako ay maglalagay ng marka sa kanila upang sila at ang kanilang mga binhi ay maihiwalay mula sa iyo at sa iyong mga binhi, simula ngayon at magpakailanman, maliban kung sila ay magsisisi sa kanilang mga kasamaan at bumaling sa akin upang ako ay maawa sa kanila.
At muli:
Ako ay maglalagay ng marka sa kanya na inihahalubilo ang kanyang mga binhi sa iyong mga kapatid, upang sila ay maisumpa rin.
At muli:
Ako ay maglalagay ng marka sa kanya na kumakalaban sa iyo at sa iyong mga binhi.
At muli,
sinasabi ko na siya na tumalikod sa iyo ay hindi na tatawagin pang iyong mga binhi; at pagpapalain kita, at ang sino mang tatawaging iyong mga binhi, simula ngayon at magpakailanman; at ito ang mga pangako ng Panginoon kay Nephi at sa kanyang mga binhi.
Ngayon hindi nalalaman ng mga Amlicita na tinutupad nila ang mga salita ng Diyos nang simulang markahan nila ang sarili sa kanilang mga noo; gayon pa man, sila ay lantarang naghimagsik laban sa Diyos; kung kaya nga’t ang sumpa ay kinailangang mapasakanila.
Ngayon nais kong inyong makita na sila ang nagdala sa kanilang sarili ng sumpa; at gayon din, ang bawat taong isinumpa ang siya na ring nagdala sa kanyang sarili ng sarili niyang pagkakasumpa.