Ang Zarahemla sa Ilalim ng Pamumunong Nauukol sa Hukuman

Ang Kinahinatnan

Alma 4:1–3

Ang resulta ng digmaan ay naging dahilan para sa maraming tao na magdalamhati at magpakumbaba sa kanilang mga sarili.

Ngayon ito ay nangyari na, na sa ikaanim na taon ng panunungkulan ng mga hukom sa mga tao ni Nephi, na hindi nagkaroon ng alitan ni mga digmaan sa lupain ng Zarahemla; Subalit ang mga tao ay nahirapan, oo, nahirapan nang labis dahil sa pagkawala ng kanilang mga kapatid, at gayon din sa pagkawala ng kanilang mga kawan ng tupa at baka, at gayon din sa pagkawala ng kanilang mga taniman ng butil, na niyapak-yapakan ng mga paa at winasak ng mga Lamanita.

At labis ang kanilang mga paghihirap kung kaya’t ang bawat kaluluwa ay may dahilan upang magdalamhati; at pinaniwalaan nila na ito ay mga kahatulan ng Diyos na ipinadala sa kanila dahil sa kanilang kasamaan at mga karumal-dumal na gawain; anupa’t, sila ay nagising sa pag-alaala sa kanilang tungkulin.

Alma 4:4–5

Bilang resulta ng pagpapakumbaba at pag-alala sa Diyos, ang simbahan ay lumago ng mga isanlibo.

At sinimulan nilang itatag ang simbahan nang lubusan; oo, at marami ang bininyagan sa mga tubig ng Sidon at sumapi sa simbahan ng Diyos; oo, sila ay nabinyagan ng mga kamay ni Alma, na itinalagang mataas na saserdote sa mga tao ng simbahan, ng kamay ng kanyang amang si Alma.

At ito ay nangyari na, na sa ikapitong taon ng panunungkulan ng mga hukom ay may mga tatlong libo limangdaang katao ang isinapi ang kanilang sarili sa simbahan ng Diyos at bininyagan. At sa gayon nagtapos ang ikapitong taon ng panunungkulan ng mga hukom sa mga tao ni Nephi; at nagkaroon ng patuloy na kapayapaan sa buong panahong yaon.