At ito ay nangyari na, na sa pagsisimula ng ikalimang taon ng kanilang panunungkulan ay nagsimulang magkaroon ng alitan sa mga tao; sapagkat isang lalaki, na tinatawag na Amlici, siya na napakatusong tao, oo, isang matalinong tao sa karunungan ng sanlibutan, siya na alinsunod sa orden ng lalaking pumatay kay Gedeon sa pamamagitan ng espada, na hinatulan ng kamatayan alinsunod sa batas—
Ngayon, ang Amlici na ito, sa pamamagitan ng kanyang katusuhan, ay nakapanghikayat ng maraming tao sa kanya; maging sa napakarami kung kaya’t sila ay nagsimulang maging napakalakas; at sila ay nagsimulang magsumikap na iluklok si Amlici na maging hari sa mga tao.
Ngayon, ito ay nakabahala sa mga tao ng simbahan, at gayon din sa lahat ng yaong hindi nahikayat palayo ng mga panghihikayat ni Amlici; sapagkat nalalaman nila na alinsunod sa kanilang batas, ang mga gayong bagay ay kinakailangang pagtibayin ng tinig ng mga tao.
Anupa’t kung magagawang matamo ni Amlici ang tinig ng mga tao, siya, na isang masamang tao, ay pagkakaitan sila ng kanilang mga karapatan at pribilehiyo sa simbahan; sapagkat kanyang layuning wasakin ang simbahan ng Diyos.
At ito ay nangyari na, na sama-samang tinipon ng mga tao ang kanilang sarili sa lahat ng dako ng buong lupain, bawat tao alinsunod sa kanyang nasasaisip, kung ito ay para kay o laban kay Amlici, sa magkakahiwalay na pangkat, na may masidhing pagtatalu-talo at kamangha-manghang pakikipag-alitan sa isa’t isa.
At sa gayon sama-samang tinipon nila ang kanilang sarili upang ipahayag ang kanilang tinig hinggil sa paksang yaon; at ipinabatid ang mga ito sa harapan ng mga hukom. At ito ay nangyari na, na ang tinig ng mga tao ay nagpahayag laban kay Amlici, kung kaya’t hindi siya ginawang hari sa mga tao.