Ngayon ito ay nangyari na, nang ang mga katawan ng mga yaong itinapon sa apoy ay natupok na, at gayon din ang mga talaang itinapon na kasama nila, ang punong hukom ay dumating at tumindig sa harapan nina Alma at Amulek, habang sila ay nakagapos; at sinampal niya ng kanyang kamay ang kanilang mga pisngi, at sinabi sa kanila:
Matapos ang inyong nakita, kayo ba ay mangangaral na muli sa mga taong ito, upang sila ay itapon sa lawa ng apoy at asupre? Masdan, inyong nakita na kayo’y walang kapangyarihang iligtas ang mga yaong itinapon sa apoy; ni ang iligtas sila ng Diyos dahil sa sila ay inyong kasampalataya.
At muli silang sinampal ng hukom sa kanilang mga pisngi, at nagtanong:
Ano ang masasabi ninyo para sa inyong sarili?
Ngayon, ang hukom na ito ay alinsunod sa orden at pananampalataya ni Nehor, na siyang pumatay kay Gedeon.
At ito ay nangyari na, na sina Alma at Amulek ay walang itinugon sa kanya; at muli niyang sinampal sila, at ibinigay sila sa mga pinuno upang itapon sa bilangguan.
At nang naitapon na sila sa bilangguan ng tatlong araw, dumating ang maraming manananggol, at mga hukom, at saserdote, at guro, na nasa katungkulan ni Nehor; at sila’y pumasok sa bilangguan upang makita sila, at kanilang tinanong sila tungkol sa maraming salita; subalit wala silang itinugon sa kanila.
At ito ay nangyari na, na ang hukom ay tumindig sa kanilang harapan, at nagsabi:
Bakit hindi ninyo tugunin ang mga salita ng mga taong ito?
Hindi ba ninyo nalalaman na may kapangyarihan akong iligtas kayo sa mga ningas?
At inutusan niya silang magsalita; subalit wala silang itinugon.
At ito ay nangyari na, na sila’y nagsilisan at nagtungo sa kani-kanilang landas, subalit muling nagsibalik kinabukasan; at muli rin silang sinampal sa pisngi ng hukom. At marami rin ang nagsidating, at sinampal sila, sinasabing:
Kayo ba’y muling titindig, at hahatulan ang mga taong ito,
at tutuligsain ang aming batas?
Kung kayo’y may gayong kalakas na kapangyarihan
bakit hindi ninyo iligtas ang inyong sarili?
At maraming gayong bagay ang sinabi nila sa kanila, pinagngangalit ang kanilang mga ngipin sa kanila, at dinuduraan sila, at sinasabing:
Ano ang magiging anyo namin kapag kami ay isinumpa?
At maraming gayong bagay, oo, lahat ng uri ng gayong bagay ay sinabi nila sa kanila; at sa gayon kanilang kinutya sila nang maraming araw. At ipinagkait nila ang pagkain sa kanila upang sila’y magutom, at tubig upang sila’y mauhaw; at kinuha rin nila mula sa kanila ang mga kasuotan nila kung kaya’t sila’y nakahubad; at sa gayon sila iginapos nang matitibay na lubid, at ipiniit sa bilangguan.