Ngayon sinabi ni Alma sa kanya:
Ito ang bagay na akin sanang ipaliliwanag. Ngayon nakita natin na si Adan ay nahulog dahil sa pagkain ng ipinagbabawal na bunga, alinsunod sa salita ng Diyos; at sa gayon nakikita natin, na sa kanyang pagkahulog, ang buong sangkatauhan ay naging isang ligaw at mga nahulog na tao.
At ngayon masdan, sinasabi ko sa inyo na kung nangyari na si Adan ay nakakain ng bunga ng punungkahoy ng buhay noong panahong yaon ay hindi na sana nagkaroon ng kamatayan, at ang salita ay mawawalang-saysay, at gagawin ang Diyos na isang sinungaling, sapagkat kanyang sinabi:
Kung ikaw ay kakain, ikaw ay tiyak na mamamatay.
At nakikita natin na ang kamatayan ay sumasapit sa sangkatauhan, oo, ang kamatayang sinasabi ni Amulek, na temporal na kamatayan; gayunpaman, may isang panahong ipinagkaloob sa tao kung kailan siya ay maaaring magsisi.
Anupa’t ang buhay na ito ay naging isang pagsubok na kalagayan; isang panahon upang maghanda sa pagharap sa Diyos; isang panahon upang maghanda para sa walang hanggang kalagayan na sinasabi namin, na pagkatapos ng pagkabuhay na mag-uli ng mga patay.