At ito ay nangyari na, na matapos silang magdusa nang gayon nang maraming araw, (at ito ay sa ikalabindalawang araw, sa ikasampung buwan, sa ikasampung taon ng panunungkulan ng mga hukom sa mga tao ni Nephi) na ang punong hukom ng lupain ng Ammonihas at marami sa kanilang mga guro at manananggol ay pumasok sa bilangguan kung saan sina Alma at Amulek ay nagagapos ng mga lubid.
At ang punong hukom ay tumindig sa kanilang harapan, at muli silang sinampal, at sinabi sa kanila:
Kung taglay ninyo ang kapangyarihan ng Diyos ay pawalan ninyo ang inyong sarili mula sa pagkakagapos na ito, at sa gayon kami ay maniniwalang lilipulin ng Panginoon ang mga taong ito alinsunod sa inyong mga salita.
At ito ay nangyari na, na silang lahat ay lumapit at sinampal sila, sinasabi ang gayon ding mga salita, maging hanggang sa huli; at nang ang huli ay nakapagsalita na sa kanila, ang kapangyarihan ng Diyos ay napasakina Alma at Amulek, at sila’y bumangon at tumindig sa kanilang mga paa. At si Alma ay nagsumamo, sinasabing:
Gaano katagal kaming magdaranas
ng labis na mga pagpapahirap na ito, O Panginoon?
O Panginoon, bigyan kami ng lakas
alinsunod sa aming pananampalataya
na na kay Cristo,
maging tungo sa kaligtasan.
At nilagot nila ang mga lubid na gumagapos sa kanila; at nang makita ito ng mga tao, sila’y nagsimulang magsipanakbuhan, sapagkat ang takot sa pagkalipol ay nanaig sa kanila.
At ito ay nangyari na, na sa laki ng kanilang takot sila’y nalugmok sa lupa, at hindi na narating pa ang panlabas na pintuan ng bilangguan; at ang lupa ay nayanig nang malakas, at ang mga pader ng bilangguan ay nahati sa dalawa, kung kaya’t ang mga ito ay bumagsak sa lupa; at ang punong hukom, at ang mga manananggol, at saserdote, at guro, na sumampal kina Alma at Amulek, ay nangamatay sa pagbagsak na yaon.
At sina Alma at Amulek ay humayong palabas ng bilangguan, at sila’y hindi nasaktan; sapagkat pinagkalooban sila ng Panginoon ng kapangyarihan, alinsunod sa kanilang pananampalataya na na kay Cristo.
At sila’y kaagad na humayong palabas ng bilangguan; at sila’y nakalagan mula sa kanilang pagkakagapos; at ang bilangguan ay bumagsak sa lupa, at lahat ng tao sa loob ng mga pader niyon, maliban kina Alma at Amulek, ay nangamatay; at sila’y kaagad na nagtungo sa lunsod.
Ngayon, nang marinig ng mga tao ang malakas na ingay ay sama-samang nagtakbuhan ang maraming tao upang alamin ang sanhi nito; at nang makita nila sina Alma at Amulek na lumalabas ng bilangguan, at na ang mga pader niyon ay nagbagsakan sa lupa, sila ay nakadama ng malaking takot, at nagsipanakbuhan mula sa harapan nina Alma at Amulek maging tulad ng isang kambing na tumatakas kasama ang kanyang anak mula sa dalawang leon; at sa gayon sila nagsipanakbuhan mula sa harapan nina Alma at Amulek.