Subalit ang nakararami sa kanila ay nagnais na kanilang mapatay sina Alma at Amulek; sapagkat sila ay nagalit kay Alma, dahil sa kalinawan ng kanyang mga salita kay Zisrom; at sinabi rin nilang si Amulek ay nagsinungaling sa kanila, at nilait ang kanilang batas at gayon din ang kanilang mga manananggol at hukom.
At sila rin ay nagalit kina Alma at Amulek; at dahil sa sila ay nagpatotoo nang napakalinaw laban sa kanilang kasamaan, hinangad nilang patayin sila nang palihim. Subalit ito ay nangyari na, na ito ay hindi nila nagawa; kundi kanilang dinakip sila at iginapos sila ng matitibay na lubid, at dinala sila sa harapan ng punong hukom ng lupain.
At ang mga tao ay humayo at sumaksi laban sa kanila— nagpapatotoo na nilait nila ang batas, at ang kanilang mga manananggol at hukom sa lupain, at gayon din ang lahat ng taong nasa lupain; at nagpatotoo ring may isang Diyos lamang, at na isusugo niya ang kanyang Anak sa mga tao, subalit hindi niya ililigtas sila; at maraming gayong bagay ang pinatotohanan ng mga tao laban kina Alma at Amulek. Ngayon, ito ay naganap sa harapan ng punong hukom ng lupain.
At ito ay nangyari na, na si Zisrom ay nanggilalas sa mga salitang sinabi; at kanya ring nalaman ang hinggil sa kabulagan ng mga isipan, na kanyang pinapangyari sa mga tao sa pamamagitan ng kanyang mga salita ng kasinungalingan; at ang kanyang kaluluwa ay nagsimulang masugatan sa ilalim ng kaalaman ng kanyang sariling pagkakasala; oo, siya ay sinimulang palibutan ng mga pasakit ng impiyerno. At ito ay nangyari na, na siya ay nagsimulang manawagan sa mga tao, sinasabing:
Masdan, ako ang may sala,
at ang mga taong ito ay walang bahid-dungis sa harapan ng Diyos.
At siya ay nagsimulang magmakaawa para sa kanila mula sa panahong yaon; subalit kanilang nilait siya, sinasabing:
Ikaw rin ba ay nasapian na ng diyablo?
At kanilang dinuraan siya, at itinaboy siyang palabas mula sa kanila, at gayon din ang lahat ng yaong naniwala sa mga salitang sinabi nina Alma at Amulek; at kanilang itinaboy sila, at nagsugo ng mga tao upang magpukol ng mga bato sa kanila.
At pinagsama-sama nila ang kanilang mga asawa at anak, at sino man ang naniwala o naturuan upang maniwala sa salita ng Diyos ay pinapangyari nila na sila’y itapon sa apoy; at kinuha rin nila ang kanilang mga talaan na naglalaman ng mga banal na kasulatan, at itinapon din ang mga ito sa apoy, upang ang mga ito ay matupok at mawasak ng apoy.
At ito ay nangyari na, na kanilang dinakip sina Alma at Amulek, at dinala sila sa lugar ng pagkamartir, upang masaksihan nila ang pagkalipol ng mga yaong tinutupok ng apoy.
At nang makita ni Amulek ang mga pasakit ng kababaihan at maliliit na bata na natutupok ng apoy, siya rin ay nasaktan; at sinabi niya kay Alma:
Paanong nasasaksihan natin ang nakapanghihilakbot na tagpong ito? Kaya nga iunat natin ang ating mga kamay, at gamitin ang kapangyarihan ng Diyos na nasa atin, at iligtas sila mula sa mga ningas.
Subalit sinabi sa kanya ni Alma:
Ang Espiritu ay pinipigilan ako na hindi ko kailangang iunat ang aking kamay; sapagkat masdan, tinatanggap sila ng Panginoon sa kanyang sarili, sa kaluwalhatian; at pinahihintulutan niyang gawin nila ang bagay na ito o ang magawa ng mga tao ang bagay na ito sa kanila, alinsunod sa katigasan ng kanilang mga puso, upang ang kahatulang gagawin niya sa kanila sa kanyang kapootan ay maging makatarungan; at ang dugo ng walang sala ay tatayong saksi laban sa kanila, oo, at malakas na daraing laban sa kanila sa huling araw.
Ngayon sinabi ni Amulek kay Alma:
Masdan, marahil tayo ay susunugin din nila.
At sinabi ni Alma:
Ito ay alinsunod sa kalooban ng Panginoon.
Subalit, masdan, ang ating gawain ay hindi pa natatapos;
kaya nga, tayo ay hindi nila susunugin.