At ngayon, mangungusap ako sa iyo hinggil sa mga yaong dalawampu’t apat na lamina, na ingatan mo ang mga ito, upang ang mga hiwaga at ang mga gawain ng kadiliman, at kanilang mga lihim na gawain, o ang mga lihim na gawain ng mga yaong taong nalipol, ay maipaalam sa mga taong ito; oo, lahat ng kanilang pagpaslang, at panloloob, at kanilang mga pandarambong, at lahat ng kanilang mga kasamaan at karumal-dumal na gawain, ay maipaalam sa mga taong ito; oo, at na pangalagaan mo ang mga kasangkapang ito ng pagsasalin.
Sapagkat masdan, nakita ng Panginoon na ang kanyang mga tao ay nagsisimulang gumawa sa kadiliman, oo, gumagawa ng mga lihim na pagpaslang at karumal-dumal na gawain; kung kaya nga’t sinabi ng Panginoon, kung hindi sila magsisisi sila’y lilipulin mula sa balat ng lupa.
At sinabi ng Panginoon:
Ihahanda ko para sa aking lingkod na si Gaselim, ang isang bato, na kikinang sa kadiliman tungo sa liwanag, upang maisiwalat ko sa aking mga tao na naglilingkod sa akin, upang maisiwalat ko sa kanila ang mga gawain ng kanilang mga kapatid, oo, ang kanilang mga lihim na gawain, ang kanilang mga gawain ng kadiliman, ang kanilang kasamaan at mga karumal-dumal na gawain.
At ngayon, anak ko, ang mga kasangkapang ito sa pagsasalin ay inihanda upang ang salita ng Diyos ay matupad, na sinabi niya, sinasabing:
Ilalabas ko sa kadiliman tungo sa liwanag ang lahat ng kanilang mga lihim na gawain at kanilang karumal-dumal na gawain; at maliban kung sila’y magsisisi na lilipulin ko sila mula sa balat ng lupa; at dadalhin ko sa liwanag ang lahat ng kanilang mga lihim at karumal-dumal na gawain, sa lahat ng bansa na magmula ngayon ay magmamay-ari ng lupain.
At ngayon, anak ko, nakikita natin na hindi sila nagsisi; kung kaya nga’t nalipol sila, at sa gayon ang salita ng Diyos ay natupad; oo, ang kanilang mga lihim na karumal-dumal na gawain ay inilabas sa kadiliman at ipinaalam sa atin.
At ngayon, anak ko, iniuutos ko sa iyong ilihim mo ang lahat ng kanilang mga sumpaan, at kanilang mga tipan, at kanilang mga kasunduan sa kanilang mga lihim na karumal-dumal na gawain; oo, at lahat ng kanilang senyas at kanilang mga kababalaghan ay ilihim mo mula sa mga taong ito, upang hindi nila malaman ang mga ito, na baka sila ay masadlak din sa kadiliman at malipol.
Sapagkat masdan, may sumpa sa buong lupaing ito, na ang pagkalipol ay sasapit sa lahat ng yaong manggagawa ng kadiliman, alinsunod sa kapangyarihan ng Diyos, kapag sila ay ganap nang hinog; samakatwid nais ko na ang mga taong ito ay hindi malipol.
Kaya nga ililihim mo ang mga lihim na plano na ito ng kanilang mga sumpa at tipan mula sa mga taong ito, at yaon lamang kanilang kasamaan at kanilang mga pagpaslang at kanilang mga karumal-dumal na gawain ang iyong ipaaalam sa kanila; at turuan mo silang mapoot sa mga gayong kasamaan at mga karumal-dumal na gawain at pagpaslang; at ituturo mo rin sa kanila na ang mga taong ito ay nalipol dahil sa kanilang kasamaan at mga karumal-dumal na gawain at kanilang mga pagpaslang.
Sapagkat masdan, kanilang pinaslang ang lahat ng propeta ng Panginoon na dumating sa kanila upang ipahayag sa kanila ang hinggil sa kanilang mga kasamaan; at ang dugo ng mga yaong kanilang pinaslang ay dumaing sa Panginoon nilang Diyos upang maghiganti sa mga yaong kanilang mamamatay; at sa gayon ang mga kahatulan ng Diyos ay sumapit sa mga manggagawang ito ng kadiliman at lihim na pagsasabwatan.
Oo, at sumpain nawa ang lupain magpakailanman sa mga yaong manggagawa ng kadiliman at sa mga lihim na pagsasabwatan, maging hanggang sa pagkalipol, maliban kung sila ay magsisisi bago sila ganap na mahinog.