At ngayon, anak ko, nakikita natin na hindi sila nagsisi; kung kaya nga’t nalipol sila, at sa gayon ang salita ng Diyos ay natupad; oo, ang kanilang mga lihim na karumal-dumal na gawain ay inilabas sa kadiliman at ipinaalam sa atin.
At ngayon, anak ko, iniuutos ko sa iyong ilihim mo ang lahat ng kanilang mga sumpaan, at kanilang mga tipan, at kanilang mga kasunduan sa kanilang mga lihim na karumal-dumal na gawain; oo, at lahat ng kanilang senyas at kanilang mga kababalaghan ay ilihim mo mula sa mga taong ito, upang hindi nila malaman ang mga ito, na baka sila ay masadlak din sa kadiliman at malipol.
Sapagkat masdan, may sumpa sa buong lupaing ito, na ang pagkalipol ay sasapit sa lahat ng yaong manggagawa ng kadiliman, alinsunod sa kapangyarihan ng Diyos, kapag sila ay ganap nang hinog; samakatwid nais ko na ang mga taong ito ay hindi malipol.
Kaya nga ililihim mo ang mga lihim na plano na ito ng kanilang mga sumpa at tipan mula sa mga taong ito, at yaon lamang kanilang kasamaan at kanilang mga pagpaslang at kanilang mga karumal-dumal na gawain ang iyong ipaaalam sa kanila; at turuan mo silang mapoot sa mga gayong kasamaan at mga karumal-dumal na gawain at pagpaslang; at ituturo mo rin sa kanila na ang mga taong ito ay nalipol dahil sa kanilang kasamaan at mga karumal-dumal na gawain at kanilang mga pagpaslang.