Si Korihor ang Anti-Kristo

Pakikipagpalitan Kay Alma sa Zarahemla

Alma 30:30–31

Nang makatagpo si Alma sa Zarahemla, inulit ni Korihor ang kanyang naunang mga sinabi.

At ito ay nangyari na, nang siya ay dalhin sa harapan ni Alma at ng punong hukom, siya ay nagpatuloy sa gayon ding pamamaraan tulad ng kanyang ginawa sa lupain ng Gedeon; oo, siya ay nagpatuloy sa paglapastangan. At siya ay nangusap sa lumalakas na pananalita sa harapan ni Alma, at nilait ang mga saserdote at guro, pinararatangan sila ng pag-aakay palayo sa mga tao alinsunod sa mga hangal na kaugalian ng kanilang mga ama, sa kasiyahan ng pagpapakasawa sa mga pinagpagalan ng mga tao.

Alma 30:32–35

Tinukoy ni Alma ang mga lohikal na kamalian sa mga paratang na ang mga pinuno ay pinahihirapan ang mga tao para sa kanilang sariling ikabubuhay at tinanong si Korihor kung iniisip niya na ang mga pinuno ay nililinlang ang mga tao.

Ngayon sinabi ni Alma sa kanya:

Nalalaman mong hindi namin pinagsasawaan sa aming sarili ang mga pinagpagalan ng mga taong ito; sapagkat masdan, ako ay gumawa maging mula pa sa simula ng paghahari ng mga hukom hanggang sa ngayon, sa aking sariling mga kamay para sa aking ikabubuhay, sa kabila ng marami kong paglalakbay sa palibot ng lupain upang ipahayag ang salita ng Diyos sa aking mga tao.

At sa kabila nang maraming gawaing ginawa ko sa simbahan, kailanma’y hindi ako nakatanggap kahit isang senine para sa ginawa ko; ni ang sino man sa aking mga kapatid, maliban sa may hukumang-luklukan; at sa gayon tinatanggap lamang namin ang naaalinsunod sa batas para sa aming panahon.

At ngayon, kung hindi kami tumatanggap ng ano mang bagay para sa aming mga ginagawa sa simbahan, ano ang aming kapakinabangan upang gumawa sa simbahan maliban sa ipahayag ang katotohanan, upang kami ay magkaroon ng kasiyahan sa kagalakan ng ating mga kapatid?

Samakatwid, bakit sinasabi mong nangangaral kami sa mga taong ito upang makinabang, bagaman nalalaman mo, sa iyong sarili, na hindi kami nakatatanggap ng kita?

At ngayon, naniniwala ka bang nililinlang namin ang mga taong ito, na nakapagdudulot ng labis na kagalakan sa kanilang mga puso?

Alma 30:36

Sinabi ni Korihor na oo.

At tinugon siya ni Korihor:

Oo.

Alma 30:37–38

Tinanong ni Alma kung si Korihor ay naniniwala sa Diyos; sumagot si Korihor na hindi.

At sa gayon sinabi ni Alma sa kanya:

Naniniwala ka bang may Diyos?

At siya ay tumugon,

Hindi.

Alma 30:39–42

Pinatunayan ni Alma ang kanyang paniniwala, at naghinala na si Korihor ay nagsisinungaling.

Ngayon sinabi ni Alma sa kanya:

Itatatwa mo bang muli na may Diyos, at itatatwa mo rin ba ang Cristo?

Sapagkat masdan, sinasabi ko sa iyo, nalalaman kong may Diyos, at gayon din na si Cristo ay paparito. At ngayon, anong katibayan ang mayroon ka na walang Diyos, o na si Cristo ay hindi paparito? Sinasabi ko sa iyong wala, maliban lamang sa iyong salita.

Subalit, masdan, taglay ko ang lahat ng bagay bilang patotoo na ang mga bagay na ito ay totoo; at taglay mo rin ang lahat ng bagay bilang patotoo sa iyo na ang mga ito ay totoo; at ipagkakaila mo ba ang mga ito?

Naniniwala ka ba na ang mga bagay na ito ay totoo? Masdan, nalalaman kong naniniwala ka, subalit pinaghaharian ka ng isang mapagsinungaling na espiritu, at isinantabi mo ang Espiritu ng Diyos upang hindi ito magkaroon ng puwang sa iyo; kung kaya nga’t ang diyablo ay may nangingibabaw na kapangyarihan sa iyo, at inaakay ka niya, gumagawa ng mga pamamaraan upang mawasak niya ang mga anak ng Diyos.