Subalit ito ay nangyari na, na sa dakong huli ng ikalabimpitong taon, may isang lalaking dumating sa lupain ng Zarahemla, at siya ay isang Anti-Cristo, sapagkat siya ay nagsimulang mangaral sa mga tao laban sa mga propesiyang sinabi ng mga propeta, hinggil sa pagparito ni Cristo.
Ngayon, walang batas laban sa paniniwala ng isang tao; sapagkat mahigpit itong sumasalungat sa mga utos ng Diyos na magkaroon ng isang batas na makapaglalagay sa mga tao sa di pantay na katayuan. Sapagkat ganito ang wika ng mga banal na kasulatan:
Piliin ninyo sa araw na ito, kung sino ang inyong paglilingkuran.
Ngayon, kung nais ng isang tao na maglingkod sa Diyos, ito ay kanyang pribilehiyo; o sa lalong maliwanag, kung siya ay naniniwala sa Diyos ay kanyang pribilehiyong paglingkuran siya; subalit kung hindi siya naniniwala sa kanya ay walang batas upang siya’y parusahan. Subalit kung siya ay pumaslang siya ay parurusahan hanggang sa kamatayan; at kung siya ay nanloob siya ay parurusahan din; at kung siya ay nagnakaw siya ay parurusahan din; at kung siya’y nakagawa ng pakikiapid siya ay parurusahan din; oo, sa lahat ng kasamaang ito sila ay pinarurusahan.
Sapagkat may batas na ang mga tao ay nararapat hatulan alinsunod sa kanilang mabibigat na kasalanan. Gayon pa man, walang batas laban sa paniniwala ng isang tao; kaya nga, ang isang tao ay pinarurusahan lamang sa mabibigat na kasalanang nagawa niya; anupa’t ang lahat ng tao ay nasa pantay na katayuan.
At ang Anti-Cristong ito, na ang pangalan ay Korihor, (at ang batas ay walang panghahawakan sa kanya) ay nagsimulang mangaral sa mga tao na hindi magkakaroon ng isang Cristo. At alinsunod sa pamamaraang ito siya ay nangaral, sinasabing:
O kayong nakagapos sa ilalim ng isang hangal at walang kabuluhang pag-asa, bakit ninyo sinisingkawan ang inyong sarili ng mga bagay na hangal? Bakit kayo umaasa sa isang Cristo? Sapagkat walang taong makaaalam ng ano mang bagay na darating.
Masdan, ang mga bagay na ito na tinatawag ninyong mga propesiya, na sinasabi ninyong ipinapasa-pasa ng mga banal na propeta, masdan, ang mga ito ay hangal na kaugalian ng inyong mga ama. Paano ninyo nalalaman ang katiyakan ng mga ito? Masdan, hindi ninyo maaaring malaman ang mga bagay na hindi ninyo nakikita; anupa’t hindi ninyo maaaring malaman na magkakaroon ng isang Cristo.
Umaasa kayo at sinasabing nakikita ninyo ang kapatawaran ng inyong mga kasalanan. Subalit masdan, ito ay likha ng isang isipang matinding nababalisa; at ang kaguluhang ito sa inyong mga isipan ay dumating dahil sa mga kaugalian ng inyong mga ama, na umakay sa inyo palayo tungo sa isang paniniwala ng mga bagay na hindi naman gayon.
At marami pang gayong bagay ang sinabi niya sa kanila, sinasabi sa kanila na hindi maaaring magsagawa ng isang pagbabayad-sala para sa mga kasalanan ng tao, kundi ang bawat tao ay namumuhay sa buhay na ito alinsunod sa pangangasiwa ng nilikha; anupa’t ang bawat tao ay umuunlad alinsunod sa kanyang likas na talino, at ang bawat tao ay nagagapi alinsunod sa kanyang lakas; at ang ano mang gawin ng tao ay hindi pagkakasala.
At sa gayon siya nangaral sa kanila, inaakay palayo ang puso ng marami, naging dahilan upang itaas nila ang kanilang mga ulo sa kanilang kasamaan, oo, inaakay palayo ang maraming kababaihan, at gayon din ang kalalakihan, na gumawa ng mga pagpapatutot—sinasabi sa kanila na kapag ang isang tao ay patay na, iyon na ang katapusan niyon.
Ngayon, ang lalaking ito ay nagtungo rin sa lupain ng Jerson, upang ipangaral ang mga bagay na ito sa mga tao ni Ammon, na noong minsan ay mga tao ng mga Lamanita.
Subalit masdan, higit silang matatalino kaysa sa marami sa mga Nephita; sapagkat kanilang dinakip siya, at iginapos siya, at dinala siya sa harapan ni Ammon, na siyang mataas na saserdote sa mga taong yaon. At ito ay nangyari na, na iniutos niyang dalhin siya palabas ng lupain.