Ngayon ito ay nangyari na, na matapos ang kamatayan ni Korihor, si Alma, matapos makatanggap ng balitang inililigaw ng mga Zoramita ang mga landas ng Panginoon, at na si Zoram, na kanilang pinuno, ay inaakay ang mga puso ng mga tao na yumukod sa mga umid na diyus-diyusan, ang kanyang puso ay nagsimulang muling malungkot dahil sa kasamaan ng mga tao.
Sapagkat ito ang dahilan ng labis na kalungkutan ni Alma na malamang may kasamaan sa kanyang mga tao; anupa’t ang kanyang puso ay labis na nalungkot dahil sa paghiwalay ng mga Zoramita mula sa mga Nephita.
Ngayon sama-samang tinipon ng mga Zoramita ang kanilang sarili sa lupaing tinawag nilang Antionum, na nasa silangan ng lupain ng Zarahemla, na nasa dako halos sa may hangganan sa may dalampasigan, na nasa timog ng lupain ng Jerson, na nahahangganan din ng timog ilang, kung aling ilang ay puno ng mga Lamanita.
Ngayon, ang mga Nephita ay nangamba nang labis na baka ang mga Zoramita ay pumasok sa isang pakikipag-ugnayan sa mga Lamanita, at na ito ang maging dahilan ng malaking kawalan sa panig ng mga Nephita.
Ngayon, ang mga Zoramita ay mga tumiwalag mula sa mga Nephita; anupa’t sa kanila ay naipangaral na ang salita ng Diyos. Subalit sila ay nahulog sa malalaking kamalian, sapagkat hindi nila ginawang sundin ang mga kautusan ng Diyos, at ang kanyang mga batas, alinsunod sa mga batas ni Moises. Ni ang gawin nila ang mga gawain ng simbahan, na magpatuloy sa panalangin at pagsusumamo sa Diyos sa araw-araw, upang hindi sila mapadala sa tukso.
At ngayon, sapagkat ang pangangaral ng salita ay may lakas na umakay sa mga tao na gawin yaong matwid—oo, may higit itong malakas na bisa sa isipan ng mga tao kaysa sa espada, o ano pa mang bagay, na nangyari na sa kanila—anupa’t naisip ni Alma na kapaki-pakinabang na subukan nila ang bisa ng salita ng Diyos.
Kaya nga kanyang isinama si Ammon, at Aaron, at Omner; at si Himni ay iniwanan niya sa simbahan sa Zarahemla; subalit ang naunang tatlo ay isinama niya, at gayon din sina Amulek at Zisrom, na nasa Melek; at isinama rin niya ang dalawa sa kanyang mga anak na lalaki.
Ngayon, ang pinakamatanda sa kanyang mga anak ay hindi niya isinama, at ang pangalan niya ay Helaman; subalit ang mga pangalan ng yaong mga isinama niya ay Siblon at Corianton; at ito ang mga pangalan ng yaong mga sumama sa kanya sa mga Zoramita, upang ipangaral sa kanila ang salita.
Oo, sa madaling salita, iniligaw nila ang mga landas ng Panginoon sa napakaraming pagkakataon; kaya nga, dahil dito, si Alma at ang kanyang mga kapatid ay nagtungo sa lupain upang ipangaral ang salita sa kanila.