Ngayon ito ay nangyari na, na ang mga Nephita ay nagnais na makuha yaong mga nadalang bihag sa ilang.
Kaya nga, siya na hinirang na punong kapitan sa mga hukbo ng mga Nephita, (at ang pangalan niya’y Zoram, at siya ay may dalawang anak na lalaki, sina Lehi at Ahas)—ngayon, si Zoram at ang kanyang dalawang anak, nalalaman na si Alma ay mataas na saserdote ng simbahan, at narinig na taglay niya ang diwa ng propesiya, kaya nga, sila ay nagsadya sa kanya at nagnais na malaman mula sa kanya kung saan sa ilang ibig ng Panginoon na magtungo sila sa paghahanap sa kanilang mga kapatid, na mga dinalang bihag ng mga Lamanita.
At ito ay nangyari na, na si Alma ay nagtanong sa Panginoon hinggil sa bagay na yaon. At si Alma ay nagbalik at sinabi sa kanila:
Masdan, tatawirin ng mga Lamanita ang ilog Sidon sa timog ilang, sa kabilang ibayo ng mga hangganan ng lupain ng Manti. At masdan, doon ninyo salubungin sila, sa silangan ng ilog Sidon, at doon ibibigay ng Panginoon sa inyo ang inyong mga kapatid na dinalang bihag ng mga Lamanita.
At ito ay nangyari na, na tinawid ni Zoram at ng kanyang mga anak ang ilog Sidon, kasama ang kanilang mga hukbo, at humayo palayo sa kabilang ibayo ng mga hangganan ng Manti patungo sa timog ilang, na nasa silangang dako ng ilog Sidon.
At kanilang sinalakay ang mga hukbo ng mga Lamanita, at ang mga Lamanita ay naikalat at naitaboy patungo sa ilang; at kinuha nila ang kanilang mga kapatid na nadalang bihag ng mga Lamanita, at wala ni isa mang tao nila na nadalang bihag ang nawala. At sila ay dinala ng kanilang mga kapatid upang angkinin ang kanilang sariling mga lupain. At sa gayon nagtapos ang ikalabing-isang taon ng mga hukom, ang mga Lamanita ay naitaboy palabas ng lupain.