Anak ko, pakinggan ang aking mga salita, sapagkat sinasabi ko sa iyo, maging tulad ng sinabi ko kay Helaman, na
Habang sinusunod mo
ang mga kautusan ng Diyos
ikaw ay uunlad sa lupain.At habang hindi mo sinusunod
ang mga kautusan ng Diyos
ikaw ay itatakwil mula sa kanyang harapan.
At ngayon, anak ko, ako ay nagtitiwalang magkakaroon ako ng labis na kagalakan sa iyo, dahil sa iyong katatagan at iyong katapatan sa Diyos; sapagkat nang magsimula kang umasa sa Panginoon mong Diyos sa iyong kabataan, maging sa ako’y umaasang magpapatuloy ka sa pagsunod sa kanyang mga kautusan; sapagkat pinagpala siya na makapagtitiis hanggang sa katapusan.
Sinasabi ko sa iyo, anak ko, na ako ay nagkaroon na ng labis na kagalakan sa iyo, dahil sa iyong katapatan at iyong pagkamasigasig, at iyong tiyaga at iyong mahabang pagtitiis sa mga tao ng mga Zoramita. Sapagkat nalalaman kong ikaw ay iginapos; oo, at nalalaman ko ring pinagbabato ka dahil sa salita; at tiniis mo ang lahat ng bagay na ito nang may pagtitiyaga dahil sa kasama mo ang Panginoon; at ngayon nalalaman mong iniligtas ka ng Panginoon.
At ngayon anak ko, Siblon, nais kong pakatandaan mo, na habang ibinibigay mo ang iyong lubos na tiwala sa Diyos ikaw ay maliligtas mula sa iyong mga pagsubok, at iyong mga suliranin, at iyong mga paghihirap, at dadakilain ka sa huling araw.
Ngayon, anak ko, hindi ko nais na isipin mong nalalaman ko ang mga bagay na ito para sa aking sarili, kundi ito ang Espiritu ng Diyos na nasa akin na siyang nagbigay-alam ng mga bagay na ito sa akin; sapagkat kung hindi ako isinilang sa Diyos ay hindi ko sana nalaman ang mga bagay na ito.
Subalit masdan, ang Panginoon sa kanyang dakilang awa ay isinugo ang kanyang anghel upang ipahayag sa akin na kailangang itigil ko ang gawain ng pangwawasak sa kanyang mga tao; oo, at nakakita ako ng isang anghel nang harap-harapan, at siya ay nakipag-usap sa akin, at ang kanyang tinig ay tulad sa kulog, at niyanig nito ang buong lupa.
At ito ay nangyari na, na ako’y tatlong araw at tatlong gabing nasa pinakamapait na sakit at pagdurusa ng kaluluwa; at hindi kailanman, hanggang sa humingi ako ng awa sa Panginoong Jesucristo, na nakatanggap ako ng kapatawaran sa aking mga kasalanan. Subalit masdan, nagsumamo ako sa kanya at natagpuan ko ang kapayapaan sa aking kaluluwa.