Ngayon ito ay nangyari na, na habang si Alma ay naglalakbay mula sa lupain ng Gedeon patimog, palayo sa lupain ng Manti, masdan, sa panggigilalas niya, nakasalubong niya ang mga anak na lalaki ni Mosias na naglalakbay patungo sa lupain ng Zarahemla.
At ito ay nangyari na, habang si Ammon ay papasok sa lupain, na siya at ang kanyang mga kapatid ay nakasalubong si Alma, sa lupaing nabanggit; at masdan, ito ay isang napakasayang pagtatagpo.
Ngayon, ang mga anak na ito ni Mosias ay kasama ni Alma sa panahong unang nagpakita ang anghel sa kanya; kaya nga, si Alma ay labis na nagalak na makita ang kanyang mga kapatid; at ang nakaragdag pa sa kanyang kagalakan, sila ay kanya pa ring mga kapatid sa Panginoon; oo, at sila ay naging malakas sa kaalaman ng katotohanan; sapagkat sila’y mga lalaking may malinaw na pang-unawa at sinaliksik nila nang masigasig ang mga banal na kasulatan upang malaman nila ang salita ng Diyos.
Subalit hindi lamang ito; itinuon nila ang kanilang sarili sa maraming panalangin, at pag-aayuno; kaya nga taglay nila ang diwa ng propesiya, at ang diwa ng paghahayag, at kapag sila ay nagturo, sila ay nagtuturo nang may kapangyarihan at karapatan ng Diyos.
At sila ay nakapagturo na ng salita ng Diyos sa loob ng labing-apat na taon sa mga Lamanita, nakatamo ng malaking tagumpay sa pagdadala sa marami sa kaalaman ng katotohanan; oo, sa kapangyarihan ng kanilang mga salita ay marami ang nadala sa harapan ng dambana ng Diyos, upang manawagan sa kanyang pangalan at magtapat ng kanilang mga kasalanan sa kanyang harapan.
At ito ang ulat ni Ammon at ng kanyang mga kapatid, ang kanilang mga paglalakbay sa lupain ng Nephi, ang kanilang mga pagdurusa sa lupain, ang kanilang mga kalungkutan, at kanilang mga paghihirap, at kanilang hindi maunawaang kagalakan, at ang pagtanggap at pagkakaligtas ng mga kapatid sa lupain ng Jerson. At ngayon, nawa’y pagpalain ng Panginoon, ang Manunubos ng lahat ng tao, ang kanilang mga kaluluwa magpakailanman.
Ngayon, ang kagalakan ni Ammon ay napakalaki maging sa siya ay napuspos; oo, siya ay nadaig sa kagalakan ng kanyang Diyos, maging sa pagkaubos ng kanyang lakas; at muli siyang nalugmok sa lupa.
Ngayon, hindi ba’t sa labis itong kagalakan? Masdan, ito ang kagalakan na walang makatatanggap maliban sa tunay na nagsisisi at mapagpakumbabang naghahanap ng kaligayahan. Ngayon, ang kagalakan ni Alma sa pagkakakita sa kanyang mga kapatid ay tunay na masidhi, at gayon din ang kagalakan ni Aaron, ni Omner, at Himni; subalit masdan, ang kanilang kagalakan ay hindi gayon upang madaig ang kanilang lakas.
At ngayon ito ay nangyari na, na nanguna si Alma sa kanyang mga kapatid pabalik sa lupain ng Zarahemla; maging sa kanyang sariling tahanan.
At sila ay nagtungo at sinabi sa punong hukom ang lahat ng bagay na naganap sa kanila sa lupain ng Nephi, sa kanilang mga kapatid, ang mga Lamanita.