Ngayon, ang mga anak na ito ni Mosias ay kasama ni Alma sa panahong unang nagpakita ang anghel sa kanya; kaya nga, si Alma ay labis na nagalak na makita ang kanyang mga kapatid; at ang nakaragdag pa sa kanyang kagalakan, sila ay kanya pa ring mga kapatid sa Panginoon; oo, at sila ay naging malakas sa kaalaman ng katotohanan; sapagkat sila’y mga lalaking may malinaw na pang-unawa at sinaliksik nila nang masigasig ang mga banal na kasulatan upang malaman nila ang salita ng Diyos.
Subalit hindi lamang ito; itinuon nila ang kanilang sarili sa maraming panalangin, at pag-aayuno; kaya nga taglay nila ang diwa ng propesiya, at ang diwa ng paghahayag, at kapag sila ay nagturo, sila ay nagtuturo nang may kapangyarihan at karapatan ng Diyos.
At sila ay nakapagturo na ng salita ng Diyos sa loob ng labing-apat na taon sa mga Lamanita, nakatamo ng malaking tagumpay sa pagdadala sa marami sa kaalaman ng katotohanan; oo, sa kapangyarihan ng kanilang mga salita ay marami ang nadala sa harapan ng dambana ng Diyos, upang manawagan sa kanyang pangalan at magtapat ng kanilang mga kasalanan sa kanyang harapan.
At ito ang ulat ni Ammon at ng kanyang mga kapatid, ang kanilang mga paglalakbay sa lupain ng Nephi, ang kanilang mga pagdurusa sa lupain, ang kanilang mga kalungkutan, at kanilang mga paghihirap, at kanilang hindi maunawaang kagalakan, at ang pagtanggap at pagkakaligtas ng mga kapatid sa lupain ng Jerson. At ngayon, nawa’y pagpalain ng Panginoon, ang Manunubos ng lahat ng tao, ang kanilang mga kaluluwa magpakailanman.