Masdan, siya ay nagpadala ng paanyaya sa lahat ng tao, sapagkat ang mga bisig ng awa ay nakaunat sa kanila, at kanyang sinabi:
‘Magsisi, at akin kayong tatanggapin.’
Oo, kanyang sinabi:
‘Lumapit sa akin at kayo ay makababahagi sa bunga ng punungkahoy ng buhay; oo, kayo ay malayang makakakain at makaiinom ng tinapay at ng mga tubig ng buhay;
‘Oo, lumapit sa akin at gumawa ng mga gawa ng kabutihan at hindi kayo puputulin at ihahagis sa apoy— Sapagkat masdan, ang panahon ay nalalapit na, na ang sino mang hindi namumunga ng mabuting bunga, o ang sino mang hindi gumagawa ng mga gawa ng kabutihan, siya rin ay may dahilan upang managhoy at magdalamhati.’
O kayong mga manggagawa ng kasamaan; kayong nagmamataas sa mga walang kabuluhang bagay ng daigdig, kayo na nagkukunwaring nakaaalam sa mga landas ng kabutihan, gayunman ay mga nangaligaw, na tulad ng mga tupang walang pastol, sa kabila nang ang pastol ay tumawag sa inyo, at tumatawag pa rin sa inyo, subalit ayaw kayong makinig sa kanyang tinig! Masdan, sinasabi ko sa inyo, na ang mabuting pastol ay tumatawag sa inyo; oo, at sa kanyang sariling pangalan kayo ay tinatawag niya, na ang pangalan ay Cristo; at kung hindi kayo makikinig sa tinig ng mabuting pastol, sa pangalang itinatawag sa inyo, masdan, kayo ay hindi mga tupa ng mabuting pastol.
At ngayon, kung kayo ay hindi mga tupa ng mabuting pastol, saang kawan kayo kabilang? Masdan, sinasabi ko sa inyo, na ang diyablo ang inyong pastol, at kayo ay kabilang sa kanyang kawan; at ngayon, sino ang makapagkakaila nito? Masdan, sinasabi ko sa inyo, ang sino mang magkaila nito ay isang sinungaling at isang anak ng diyablo.
Sapagkat sinasabi ko sa inyo na ano mang mabuti ay nagbubuhat sa Diyos; at ano mang masama ay nagbubuhat sa diyablo. Anupa’t kung ang isang tao ay gumagawa ng mabubuting gawa, siya ay nakikinig sa tinig ng mabuting pastol, at siya ay sumusunod sa kanya; subalit sino man ang gumagawa ng masasamang gawa, siya rin ay nagiging isang anak ng diyablo, sapagkat siya ay nakikinig sa kanyang tinig, at sumusunod sa kanya.
At sino man ang gumagawa nito ay kailangang tumanggap ng kanyang kabayaran mula sa kanya; kaya nga, para sa kanyang kabayaran siya ay tatanggap ng kamatayan, sa mga bagay na nauukol sa kabutihan, sapagkat patay sa lahat ng mabubuting gawa.