Ang Sermon ni Alma para sa Simbahan sa Zarahemla

Pagsalubong sa Diyos sa Araw ng Paghuhukom

Alma 5:14

Ikaw ba’y isinilang sa Diyos?

At ngayon masdan, itinatanong ko sa inyo, aking mga kapatid sa simbahan, kayo ba ay espirituwal na isinilang sa Diyos? Inyo bang tinanggap ang kanyang larawan sa inyong mga mukha? Inyo bang naranasan ang malaking pagbabagong ito sa inyong mga puso?

Alma 5:15

May pananampalataya ka ba sa pagtubos at pagkabuhay na mag-uli?

Ginagamit ba ninyo ang inyong pananampalataya sa pagkakatubos niya na lumikha sa inyo? Kayo ba ay umaasa nang may mata ng pananampalataya at nakikita ang may kamatayang katawang ito na ibinabangon sa kawalang-kamatayan, at ang kabulukang ito na ibinabangon sa kawalang-kabulukan, na tumayo sa harapan ng Diyos upang hatulan alinsunod sa mga gawang kanilang ginawa sa katawang-lupa?

Alma 5:16–20

Nakahanda ka bang harapin ang Diyos sa araw ng paghuhukom?

Sinasabi ko sa inyo, naiisip ba ninyo sa inyong sarili na naririnig ninyo ang tinig ng Panginoon, na sinasabi sa inyo sa araw na yaon:

‘Lumapit sa akin kayong mga pinagpala,
sapagkat masdan, ang inyong mga gawa ay mga gawa ng kabutihan
sa balat ng lupa.’

O iniisip ba ninyo sa inyong sarili na kayo ay makapagsisinungaling sa Panginoon sa araw na yaon, at makapagsasabing:

‘Panginoon, ang aming mga gawa ay naging mabubuting gawa sa balat ng lupa’

At sa gayon ililigtas niya kayo?

O kaya naman, naiisip ba ninyo ang inyong sarili na dinala sa harapan ng hukuman ng Diyos, na ang inyong mga kaluluwa ay puno ng pagkakasala at paggigiyagis, na may alaala ng lahat ng inyong pagkakasala, oo, isang ganap na alaala ng lahat ng inyong kasamaan, oo, isang alaala na inyong ginawang labagin ang mga kautusan ng Diyos?

Sinasabi ko sa inyo, kayo ba ay makatitingala sa Diyos sa araw na yaon nang may dalisay na puso at malinis na mga kamay? Sinasabi ko sa inyo, kayo ba ay makatitingala na ang larawan ng Diyos ay nakaukit sa inyong mga mukha? Sinasabi ko sa inyo, kayo ba ay nag-aakalang maliligtas kung naisuko ninyo ang sarili na maging mga sakop ng diyablo?

Alma 5:21

Sila na mga nalinis ng dugo ni Cristo ang makasasagot ng oo.

Sinasabi ko sa inyo, malalaman ninyo sa mga araw na yaon na kayo ay hindi maliligtas; sapagkat walang sino mang tao ang maliligtas maliban kung ang kanyang mga kasuotan ay nahugasang maputi; oo, ang kanyang mga kasuotan ay kailangang dalisayin hanggang sa ito ay maging malinis sa lahat ng dumi, sa pamamagitan ng dugo niya na siyang sinasabi ng ating mga ama, na paparito upang tubusin ang kanyang mga tao mula sa kanilang mga kasalanan.

Alma 5:22–23

Ano ang mararamdaman mo sa pagtayo sa harapan ng Diyos, may bahid dungis at marumi.

At ngayon tinatanong ko kayo, aking mga kapatid, ano ang madarama ng sino man sa inyo, kung kayo ay tatayo sa harapan ng hukuman ng Diyos, na ang inyong mga kasuotan ay nabahiran ng dugo at ng lahat ng uri ng karumihan? Masdan, ano ang patototohanan ng mga bagay na ito laban sa inyo?

Masdan, hindi ba’t patototohanan nito na kayo ay mga mamamatay-tao, oo, at kayo rin ay nagkasala ng lahat ng uri ng kasamaan?

Alma 5:24

Mayroon bang luklukan na naghihintay sa iyo sa langit?

Masdan, aking mga kapatid, inaakala ba ninyo na ang gayon ay magkakaroon ng lugar upang umupo sa kaharian ng Diyos, kasama ni Abraham, kasama ni Isaac, at kasama ni Jacob, at gayundin ng lahat ng banal na propeta, na ang mga kasuotan ay nangalinis at walang bahid-dungis, dalisay at maputi?

Alma 5:25

Ang sagot ay wala.

Sinasabi ko sa inyo, Hindi; maliban kung gawin ninyong isang sinungaling ang ating Lumikha mula sa simula, o inaakala na siya ay isang sinungaling mula sa simula, hindi ninyo maipalalagay na ang gayon ay magkakaroon ng lugar sa kaharian ng langit; kundi sila ay itatakwil sapagkat sila ang mga anak ng kaharian ng diyablo.