Ngayon, ating ihahalintulad ang salita sa isang binhi. Ngayon, kung kayo ay magbibigay-puwang, na ang binhi ay maitanim sa inyong mga puso, masdan, kung iyon ay isang tunay na binhi, o isang mabuting binhi, kung hindi ninyo ito itatapon dahil sa inyong kawalang-paniniwala, na inyong sasalungatin ang Espiritu ng Panginoon, masdan, ito ay magsisimulang lumaki sa loob ng inyong mga dibdib; at kapag nadama ninyo ang ganitong paglaki, kayo ay magsisimulang magsabi sa inyong sarili—Talagang ito ay mabuting binhi, o na ang salita ay mabuti, sapagkat sinisimulan nitong palakihin ang aking kaluluwa; oo, sinisimulan nitong liwanagin ang aking pang-unawa, oo, ito ay nagsisimulang maging masarap para sa akin.
Ngayon masdan, ito ba ay hindi makadaragdag sa inyong pananampalataya? Sinasabi ko sa inyo, Oo; gayunman ito ay hindi pa lumalaki sa isang ganap na kaalaman.
Ngunit masdan, habang ang binhi ay lumalaki at sumisibol, at nagsisimulang tumubo, kung magkagayon ay talagang sasabihin ninyo na ang binhi ay mabuti; sapagkat masdan, ito ay lumalaki at sumisibol, at nagsisimulang tumubo. At ngayon, masdan, ito ba ay hindi makapagpapalakas sa inyong pananampalataya? Oo, ito ay makapagpapalakas sa inyong pananampalataya sapagkat inyong sasabihin na alam kong ito ay isang mabuting binhi; sapagkat masdan, ito ay sumisibol at nagsisimulang tumubo.
At ngayon, masdan, kayo ba ay nakatitiyak na ito ay mabuting binhi? Sinasabi ko sa inyo, Oo; sapagkat ang bawat binhi ay magbubunga ng kanyang katulad. Anupa’t kung ang isang binhi ay tumutubo ito ay mabuti, ngunit kung ito ay hindi tumutubo, masdan ito ay hindi mabuti, kaya nga ito ay itatapon.
At ngayon, masdan, dahil sa inyong isinagawa ang pagsubok, at itinanim ang binhi, at ito ay lumaki at sumibol, at nagsimulang tumubo, kailangang malaman ninyo na ang binhi ay mabuti.
At ngayon, masdan, ang inyo bang kaalaman ay ganap? Oo, ang inyong kaalaman ay ganap sa bagay na yaon, at ang inyong pananampalataya ay hindi lumalaki; at ito ay sapagkat nalalaman na ninyo, sapagkat nalalaman ninyo na ang salita ay nagpalaki sa inyong mga kaluluwa, at nalalaman din ninyo na ito ay sumibol, na ang inyong pang-unawa ay nagsimulang magliwanag, at ang inyong isipan ay nagsimulang lumawak.
O ngayon, hindi ba ito ay tunay? Sinasabi ko sa inyo, Oo, sapagkat ito ay liwanag; at anuman ang maliwanag ay mabuti, sapagkat ito ay nauunawaan, kaya nga kailangan ninyong malaman na ito ay mabuti; at ngayon, masdan, matapos ninyong matikman ang liwanag na ito, ang inyo bang kaalaman ay ganap?