Sapagkat kinakailangan na ang pagbabayad-sala ay maisagawa; sapagkat ayon sa dakilang plano ng Diyos na Walang Hanggan, kinakailangan na may isang pagbabayad-salang gawin, at kung hindi, ang buong sangkatauhan ay tiyak na hindi makaiiwas na masawi; oo, lahat ay naging matigas; oo, lahat ay nahulog at nangaligaw, at tiyak na masasawi maliban sa pamamagitan ng pagbabayad-sala na kinakailangang maisagawa.
Sapagkat kinakailangang magkaroon ng isang dakila at huling hain; oo, hindi isang paghahain ng tao, ni ng hayop, ni ng anumang uri ng ibon; sapagkat hindi ito magiging hain ng tao; kundi kinakailangan na ito’y isang walang katapusan at walang hanggang hain.
Ngayon, walang sinumang taong makapaghahain ng kanyang sariling dugo na magbabayad-sala para sa mga kasalanan ng iba. Ngayon, kung ang isang tao ay pumaslang, masdan ang atin bang batas, na makatarungan, ay kukunin ang buhay ng kanyang kapatid? Sinasabi ko sa inyo, Hindi.
Ngunit hinihingi ng batas ang buhay niya na pumaslang; anupa’t walang anumang bagay na kukulangin sa walang hanggang pagbabayad-sala ang makasasapat para sa mga kasalanan ng sanlibutan.
Kaya nga, kinakailangang magkaroon ng isang dakila at huling hain, at kung magkagayon ay magkakaroon, o kapaki-pakinabang na magkaroon, ng pagtigil ng pagbuhos ng dugo; at sa gayon ang mga batas ni Moises ay matutupad; oo, ito ay matutupad na lahat, bawat tuldok at kudlit, at walang anumang mawawala.
At masdan, ito ang buong kahulugan ng batas, bawat mumunting bahagi ay nakatuon sa yaong dakila at huling hain; at yaong dakila at huling hain ay ang Anak ng Diyos, oo, walang katapusan at walang hanggan.
At sa gayon siya magdadala ng kaligtasan sa lahat ng yaong maniniwala sa kanyang pangalan, ito ang layunin ng huling haing ito, upang madala ang mga sisidlan ng awa, na nangingibabaw sa katarungan, at nagbibigay ng daan sa mga tao upang sila ay magkaroon ng pananampalataya tungo sa pagsisisi.
At sa gayon mabibigyang-kasiyahan ng awa ang hinihingi ng katarungan, at yayakapin sila ng mga bisig ng kaligtasan, samantalang siya na hindi magkakaroon ng pananampalataya tungo sa pagsisisi ay nakalantad sa buong batas na hinihingi ng katarungan; anupa’t siya lamang na may pananampalataya tungo sa pagsisisi ang madadala sa dakila at walang hanggang plano ng pagtubos.