Ngunit masdan mga kapatid ko, ang mga Lamanita ay kinapopootan niya sapagkat ang kanilang mga gawa ay naging patuloy na masama, at ito ay dahil sa kasamaan ng kaugalian ng kanilang mga ama. Ngunit masdan, ang kaligtasan ay mapapasakanila sa pamamagitan ng pangangaral ng mga Nephita; at sa ganitong layunin pinahaba ng Panginoon ang kanilang mga araw. At nais ko na inyong mamasdan na ang malaking bahagi nila ay nasa landas ng kanilang tungkulin, at sila ay lumalakad nang maingat sa harapan ng Diyos, at pinagsisikapan nilang sundin ang kanyang mga kautusan at kanyang mga batas at kanyang mga kahatulan alinsunod sa mga batas ni Moises. Oo, sinasabi ko sa inyo, na ang malaking bahagi nila ay ginagawa ito, at sila ay nagsisikap nang walang kapagurang pagsusumigasig upang madala ang nalalabi sa kanilang mga kapatid sa kaalaman ng katotohanan; anupa’t marami ang nadaragdag sa kanilang bilang sa araw-araw.