Ang Mga Propesiya at Mga Pangaral ni Samuel

Mga Tanda ng Pagparito ni Kristo

Helaman 14:1

Si Samuel ay nagpropesiya ng marami pang mga bagay.

At ngayon ito ay nangyari na, na si Samuel, ang Lamanita, ay nagpropesiya ng marami pang dakilang bagay na hindi maaaring isulat.

Helaman 14:2–4

Ang Anak ng Diyos ay darating sa loob ng limang taon; magkakaroon ng gabi na walang kadiliman bilang palatandaan.

At masdan, sinabi niya sa kanila:

Masdan, magbibigay ako sa inyo ng palatandaan; sapagkat limang taon pa ang lilipas, at masdan, pagkatapos ay paparito ang Anak ng Diyos upang tubusin ang lahat ng yaong maniniwala sa kanyang pangalan. At masdan, ito ang ibibigay ko sa inyo bilang palatandaan sa panahon ng kanyang pagparito; sapagkat masdan, magkakaroon ng mga dakilang liwanag sa langit, kung kaya nga’t sa gabi bago siya pumarito ay hindi magkakaroon ng kadiliman, kung kaya nga’t sa paningin ng mga tao ito ay magmimistulang araw.

Anupa’t magkakaroon ng isang maghapon at isang magdamag at isang maghapon, na parang ito ay isang araw at hindi magkakaroon ng gabi; at ito ang sasainyo bilang palatandaan; sapagkat malalaman ninyo ang pagsikat ng araw at gayon din ang paglubog nito; kaya nga kanilang malalaman nang may katiyakan na nagkaroon ng dalawang araw at isang gabi; gayunman, ang gabi ay hindi magdidilim; at iyon ay sa gabing bago siya isilang.

Helaman 14:5–8

Isang bagong bituin ang lilitaw.

At masdan, sisikat ang isang bagong bituin, isa na hindi pa kailanman namamasdan; at ito rin ay magiging palatandaan ninyo. At masdan hindi lamang ito, magkakaroon pa ng maraming palatandaan at kababalaghan sa langit. At ito ay mangyayari na kayong lahat ay magtataka at mamamangha, kung kaya kayo ay malulugmok sa lupa. At ito ay mangyayari na sinuman ang maniniwala sa Anak ng Diyos, siya rin ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan.

Helaman 14:9–10

Si Samuel ay nasa paglilingkod sa Panginoon upang ihanda ang mga tao para sa pagdating ng Panginoon.

At masdan, sa gayon ako inutusan ng Panginoon, sa pamamagitan ng kanyang anghel, na ako ay pumarito at sabihin ang mga bagay na ito sa inyo; oo, siya ay nag-utos na ipropesiya ko ang mga bagay na ito sa inyo; oo, sinabi niya sa akin:

Ihayag sa mga taong ito, magsisi
at ihanda ang daan ng Panginoon.

At ngayon, dahil sa ako ay isang Lamanita, at sinabi sa inyo ang mga salitang iniutos ng Panginoon sa akin, at sapagkat ito ay mabigat laban sa inyo, kayo ay nagalit sa akin at hinangad na patayin ako, at itaboy ako palabas sa inyo.

Helaman 14:11–13

Pinatotohanan ni Samuel na si Jesus ay tunay na darating, at tutubusin ang sangkatauhan.

At inyong maririnig ang aking mga salita, sapagkat, sa ganitong hangarin kaya ako umakyat sa mga pader ng lunsod na ito, upang inyong marinig at malaman ang mga kahatulan ng Diyos na naghihintay sa inyo dahil sa inyong mga kasamaan, at gayundin upang malaman ninyo ang mga hinihingi ng pagsisisi; At gayundin, upang malaman ninyo ang pagparito ni Jesucristo, na Anak ng Diyos, ang Ama ng langit at ng lupa, ang Lumikha ng lahat ng bagay mula pa sa simula; at upang malaman ninyo ang mga palatandaan ng kanyang pagparito, sa layuning kayo ay maniwala sa kanyang pangalan. At kung kayo ay naniniwala sa kanyang pangalan kayo ay magsisisi sa lahat ng inyong kasalanan, nang sa gayon, kayo ay magkaroon ng kapatawaran sa mga yaon sa pamamagitan ng kanyang mga kabutihan.