At ito ay nangyari na, na ang mga kapitan ng mga Lamanita ay dinala ang kanilang mga hukbo sa harapan ng lugar ng pasukan, at nagsimulang makipaglaban sa mga Nephita, upang makapasok sa kanilang lugar ng dulugan; subalit masdan, sila ay naitataboy sa pana-panahon, kung kaya’t sila ay napatay nang malubhang pagkatay.
Ngayon, nang malaman nilang hindi sila makakukuha ng lakas laban sa mga Nephita sa daanan, sila ay nagsimulang humukay ng kanilang tagaytay upang sila ay magkaroon ng daanan patungo sa kanilang mga hukbo, upang sila ay magkaroon ng patas na labanan; subalit masdan, sa mga pagtatangkang ito sila ay tinatamaan ng mga bato at palasong ipinupukol sa kanila; at sa halip na mapuno ang kanilang mga bambang ng pinapatag na tagaytay ng lupa, sila ay napuno nang bahagya ng kanilang mga patay at sugatang mga katawan.
Sa gayon napasa mga Nephita ang lahat ng kapangyarihan sa kanilang mga kaaway; at sa gayon ang mga Lamanita ay nangahas na patayin ang mga Nephita hanggang sa ang lahat ng kanilang punong kapitan ay mapatay; oo, at mahigit sa isanlibo sa mga Lamanita ang napatay; samantalang, sa kabilang panig, ay wala ni isang katao man lamang sa mga Nephita ang napatay.
May mga limampung sugatan, na nalantad sa mga palaso ng mga Lamanita sa daanan, subalit sila ay pinagsanggalang ng kanilang mga kalasag, at kanilang mga baluti sa dibdib, at kanilang mga baluti sa ulo, kung kaya’t ang kanilang mga sugat ay nasa kanilang mga paa, marami sa mga ito ay labis na malulubha.
At ito ay nangyari na, nang makita ng mga Lamanita na ang kanilang mga punong kapitan ay napatay nang lahat, sila ay nagsitakas sa ilang. At ito ay nangyari na, na sila ay bumalik sa lupain ng Nephi, upang ipaalam sa kanilang hari, na si Amalikeo, na isang Nephita sa pagsilang, ang hinggil sa kanilang malaking pagkatalo.
At ito ay nangyari na, na labis siyang nagalit sa kanyang mga tao, dahil sa hindi niya nakuha ang kanyang nais sa mga Nephita; hindi niya napasailalim sila sa singkaw ng pagkaalipin.
Oo, labis siyang napoot, at isinumpa niya ang Diyos, at gayon din si Moroni, nangangako nang may panunumpa na iinumin niya ang kanyang dugo; at ito ay dahil sa sinunod ni Moroni ang mga kautusan ng Diyos sa paghahanda para sa kaligtasan ng kanyang mga tao.
At ito ay nangyari na, na sa kabilang dako, pinasalamatan ng mga tao ni Nephi ang Panginoon nilang Diyos, dahil sa kanyang walang kapantay na kapangyarihan sa pagliligtas sa kanila mula sa mga kamay ng kanilang mga kaaway. At sa gayon nagtapos ang ikalabingsiyam na taon ng panunungkulan ng mga hukom sa mga tao ni Nephi.
Oo, at nagkaroon ng patuloy na kapayapaan sa kanila, at labis na kasaganaan sa simbahan dahil sa kanilang pagsunod at pagsusumigasig na kanilang ibinigay sa salita ng Diyos, na ipinahayag sa kanila ni Helaman, at Siblon, at Corianton, at ni Ammon at ng kanyang mga kapatid, oo, at ng lahat ng yaong inordenan sa banal na orden ng Diyos, matapos mabinyagan tungo sa pagsisisi, at isinugo na mangaral sa mga tao.