At ito ay nangyari na, na ang mga Nephita ay nagsimulang muling magtagumpay, at bawiin ang kanilang mga karapatan at kanilang mga pribilehiyo. Maraming ulit na nangahas ang mga Lamanita na paligiran sila sa gabi, subalit sa mga pagtatangkang ito sila ay nawalan ng maraming bihag.
At maraming ulit nilang tinangkang bigyan ng kanilang mga alak ang mga Nephita, upang kanilang malipol sila sa pamamagitan ng lason o sa kalanguan. Subalit masdan, ang mga Nephita ay hindi mabagal sa pag-alaala sa Panginoon nilang Diyos sa ngayong panahon ng kanilang paghihirap.
Hindi sila mahuli sa kanilang mga bitag; oo, tumanggi silang inumin ang kanilang alak, maliban kung bigyan muna nila ang ilang bihag na mga Lamanita. At sa gayon sila nag-ingat upang walang mapainom na lason sa kanila; sapagkat kung malalason ng kanilang alak ang isang Lamanita ay lalason din ito ng isang Nephita; at sa gayon nila sinubukan ang lahat ng kanilang alak.
At ngayon ito ay nangyari na, na kinakailangang gumawa si Moroni ng mga paghahanda upang salakayin ang lunsod ng Morianton; sapagkat masdan, ang mga Lamanita, sa pamamagitan ng kanilang mga paggawa, ay pinatibay ang lunsod ng Morianton hanggang sa ito ay maging napakalakas na muog. At sila ay patuloy na nagpapadala ng mga karagdagang hukbo sa lunsod na yaon, at gayon din ng mga karagdagang panustos. At sa gayon nagtapos ang ikadalawampu at siyam na taon ng panunungkulan ng mga hukom sa mga tao ni Nephi.