At ito ay nangyari na, na habang si Moroni ay gumagawa ng mga paghahanda upang humayo laban sa mga Lamanita sa digmaan, masdan, ang mga tao ng Nefihas, na sama-samang tinipon mula sa lunsod ng Moroni at sa lunsod ng Lehi at sa lunsod ng Morianton, ay sinalakay ng mga Lamanita. Oo, maging ang mga yaong napilitang tumakas mula sa lupain ng Manti, at sa lupain sa paligid, ay nagsidating at umanib sa mga Lamanita sa bahaging ito ng lupain.
At sa gayon dahil sa napakarami, oo, at tumatanggap ng lakas sa araw-araw, sa utos ni Amoron ay sinalakay nila ang mga tao ng Nefihas, at sinimulan nilang patayin sila ng labis na malaking pagkatay. At ang kanilang mga hukbo ay napakalaki kung kaya’t ang mga nalalabing tao ng Nefihas ay napilitang magsitakas sa kanilang harapan; at sila ay dumating at umanib sa hukbo ni Moroni.
At ngayon dahil sa inakala ni Moroni na may mga tauhang ipinadala sa lunsod ng Nefihas, upang matulungan ang mga tao na pangalagaan ang lunsod na yaon, at nalalamang higit na madaling ipagtanggol ang lunsod mula sa pagbagsak sa mga kamay ng mga Lamanita kaysa sa bawiin ito mula sa kanila, inakala niya na madali nilang mapangangalagaan ang lunsod na yaon. Anupa’t pinanatili niya ang lahat ng kanyang hukbo sa pangangalaga ng mga lugar na yaon na nabawi niya.
At ngayon, nang malaman ni Moroni na ang lunsod ng Nefihas ay nawala na labis siyang nalungkot, at nagsimulang mag-alinlangan, dahil sa kasamaan ng mga tao, kung bakit hindi sila mahuhulog sa mga kamay ng kanilang mga kapatid. Ngayon, ito ang kalagayan ng lahat ng punong kapitan niya.
Sila ay nag-alinlangan at nanggilalas din dahil sa kasamaan ng mga tao, at ito ay dahil sa tagumpay ng mga Lamanita sa kanila.