Si Moroni at Teancum sa Dayag Silangan

Ang Pagkubkob sa Nephihah

Alma 62:18–19

Si Moroni at mga tauhan ni Pahoran ay nagtungo sa Nefihas at nagkuta sa mga kapatagan ng Nefihas; ang mga Lamanita, nakikita ang malaking bilang ng mga Nephitang sundalo, ay hindi nakipaglaban.

At ito ay nangyari na, na matapos nilang ipadala sila ay ipinagpatuloy nila ang kanilang paglalakbay patungo sa lupain ng Nefihas. At ito ay nangyari na, nang sila ay makarating sa lunsod ng Nefihas, itinayo nila ang kanilang mga tolda sa kapatagan ng Nefihas, na malapit sa lunsod ng Nefihas. Ngayon nais ni Moroni na ang mga Lamanita ay sumalakay upang makidigma sa kanila, sa kapatagan; subalit ang mga Lamanita, nalalaman ang kanilang labis na katapangan, at namamalas ang kalakihan ng kanilang bilang, kaya nga, sila ay hindi nagtangkang sumalakay upang kalabanin sila; anupa’t hindi sila sumalakay upang makidigma sa araw na yaon.

Alma 62:20–21

Nang gabing iyon, si Moroni ay umakyat sa pader ng lunsod at nalaman na ang mga hukbo ng mga Lamanita ay nagtipon sa silangang bahagi ng lunsod, malapit sa pasukan; siya ay bumalik sa kanyang kuta at pinapangyaring ang kanyang mga tauhan ay maghanda ng mga lubid at hagdan upang pasukin ang lunsod.

At nang sumapit ang gabi, si Moroni ay humayo sa kadiliman ng gabi, at nagtungo sa tuktok ng muog upang tiktikan kung saang bahagi ng lunsod ikinukuta ng mga Lamanita ang kanilang hukbo. At ito ay nangyari na, na sila ay nasa silangan, malapit sa may pasukan; at silang lahat ay natutulog. At ngayon, si Moroni ay nagbalik sa kanyang hukbo, at nag-utos na kaagad silang maghanda ng matitibay na lubid at mga hagdanan, upang ibaba mula sa tuktok ng muog hanggang sa loob na bahagi ng muog.

Alma 62:22–23

Ang mga tauhan ni Moroni ay umakyat sa pader ng lunsod kung saan walang mga Lamanita; sa kinaumagahan, ang buong hukbo ay nasa loob ng lunsod.

At ito ay nangyari na, na inutusan ni Moroni na humayo ang kanyang mga tauhan at umakyat sa tuktok ng muog, at ibaba ang kanilang sarili sa bahaging yaon ng lunsod, oo, maging sa kanluran, kung saan hindi ikinuta ng mga Lamanita ang kanilang mga hukbo. At ito ay nangyari na, na silang lahat ay nakababa sa lunsod samantalang gabi pa, sa pamamagitan ng kanilang matitibay na lubid at mga hagdanan; sa gayon, nang sumapit ang umaga silang lahat ay nasa loob na ng mga muog ng lunsod.

Alma 62:24–25

Ang mga Lamanita ay nagising, at natatakot para sa kanilang buhay, ay kanilang nilisan ang lunsod at tumakas patungong dalampasigan, subalit ang mga Nephita ay tinugis sila, at pinatay ang marami.

At ngayon, nang ang mga Lamanita ay magising at nakita na ang mga hukbo ni Moroni ay nasa loob na ng mga muog, sila ay labis na natakot, kung kaya nga’t sila ay nagsipanakbuhan papalabas sa may daanan. At ngayon, nang makita ni Moroni na sila ay nagsisitakas palayo sa kanya, ay inutusan niyang humayo ang kanyang mga tauhan laban sa kanila, at pinatay ang marami, at pinaligiran ang marami pang iba, at dinala silang mga bihag; at ang nalalabi sa kanila ay nagsitakas patungo sa lupain ng Moroni, na nasa mga hangganan sa may dalampasigan.

Alma 62:26–29

Wala ni isa sa mga Nephita ang namatay sa pagbawi ng lunsod; ang mga Lamanita na dinalang bihag ay naghayag ng kanilang pagnanais na mapabilang sa mga Ammonita, at pinagkalooban sila ng kanilang kahilingan.

Sa gayon nakuha nina Moroni at Pahoran ang pag-aari ng lunsod ng Nefihas na walang nawala ni isang katao; at marami sa mga Lamanita ang napatay. Ngayon ito ay nangyari na, na marami sa mga Lamanita na mga bihag ang nagnais na mapabilang sa mga tao ni Ammon at maging malalayang tao. At ito ay nangyari na, na kasindami ng nagnais, sa kanila’y ipinagkaloob ang naaayon sa kanilang mga naisin. Anupa’t, lahat ng bihag na mga Lamanita ay napabilang sa mga tao ni Ammon, at nagsimulang magpagal nang labis, binubungkal ang lupa, nagtatanim ng lahat ng uri ng butil, at mga tupahan at bakahan ng bawat uri; at sa gayon naalisan ang mga Nephita ng malaking pasanin; oo, hanggang sa sila ay mawalan na ng lahat ng bihag na mga Lamanita.