At sa gayon kami humayo nang buong lakas namin laban sa mga Lamanita, na nasa lunsod ng Manti; at itinayo namin ang aming mga tolda sa bahagi ng ilang, na malapit sa lunsod. At ito ay nangyari na, na kinabukasan, nang makita ng mga Lamanita na kami ay nasa mga hangganan ng ilang na malapit sa lunsod, na sila ay nagpasugo ng mga tiktik sa paligid namin upang malaman nila ang bilang at lakas ng aming hukbo.
At ito ay nangyari na, nang makita nilang hindi kami malakas, alinsunod sa aming mga bilang, at natatakot na harangin namin ang kanilang panustos maliban kung sila ay lalabas upang makidigma sa amin at patayin kami, at inaakala ring madali nila kaming malilipol dahil sa napakalaki nilang hukbo, anupa’t nagsimula silang gumawa ng mga paghahanda upang makasalakay sila at makidigma laban sa amin.
At nang makita namin na sila ay gumagawa ng mga paghahanda upang salakayin kami, masdan, pinakilos ko si Gid, kasama ang maliit na bilang ng mga tauhan, na magkubli sa ilang, at gayon din si Tiomner at maliit na bilang ng mga tauhan na magkubli rin sa ilang.
Ngayon, si Gid at ang kanyang mga tauhan ay nasa dakong kanan at ang iba’y nasa dakong kaliwa; at nang maikubli nila ang kanilang sarili, masdan, ako ay nanatili, kasama ang nalalabi sa aking hukbo, sa yaon ding lugar na una naming tinayuan ng aming mga tolda sa panahon ng pagsalakay ng mga Lamanita upang makidigma.
At ito ay nangyari na, na ang mga Lamanita ay sumalakay kasama ang kanilang napakalaking hukbo laban sa amin. At nang sila ay makalapit at sasalakayin na sana nila kami ng kanilang mga espada, inutusan ko ang aking mga tauhan, yaong mga kasama ko, na magsiurong sa ilang. At ito ay nangyari na, na ang mga Lamanita ay mabilis kaming tinugis, sapagkat labis silang nagnanais na abutan kami upang mapatay nila kami; kaya nga sinundan nila kami sa ilang; at dumaan kami sa gitna nina Gid at Tiomner, kung kaya’t hindi sila natuklasan ng mga Lamanita.
At ito ay nangyari na, nang ang mga Lamanita ay nakaraan na, o nang ang hukbo ay nakaraan na, sina Gid at Tiomner ay nagsilabas mula sa kanilang mga lugar na pinagkukublihan, at hinarang ang mga tiktik ng mga Lamanita upang hindi na sila makabalik pa sa lunsod.
At ito ay nangyari na, nang kanilang maharangan sila, na sila ay nagsitakbo patungo sa lunsod at sinalakay ang mga bantay na naiwan upang bantayan ang lunsod, hanggang sa kanilang nalipol sila at nasakop ang lunsod. Ngayon, ito ay nagawa dahil sa itinulot ng mga Lamanita na ang kanilang buong hukbo, maliban sa iilang bantay lamang, na maakay palayo patungo sa ilang.
At ito ay nangyari na, na nasakop nina Gid at Tiomner sa pamamaraang ito ang kanilang mga muog. At ito ay nangyari na, na itinuloy namin ang aming pagtakas, matapos ang mahabang paglalakbay sa ilang patungo sa lupain ng Zarahemla.
At nang makita ng mga Lamanita na patungo sila sa lupain ng Zarahemla, na labis silang natakot, at baka may plano na binuo upang madala sila sa pagkalipol; anupa’t nagsimula silang umurong patungong muli sa ilang, oo, maging pabalik sa yaon ding landas na dinaanan nila.
At masdan, sumapit ang gabi at itinayo nila ang kanilang mga tolda, sapagkat inakala ng mga punong kapitan ng mga Lamanita na napagod ang mga Nephita dahil sa kanilang paghayo; at inaakalang naitaboy nila ang buo nilang hukbo, kaya nga hindi sila nag-isip hinggil sa lunsod ng Manti.
Ngayon ito ay nangyari na, nang sumapit ang gabi, iniutos ko na ang aking mga tauhan ay huwag magsitulog, sa halip sila ay magsipaghayo sa ibang daan patungo sa lupain ng Manti.
At dahil dito sa aming paghayo sa gabi, masdan, kinabukasan ay nalampasan namin ang mga Lamanita, kung kaya nga’t naunahan namin sila na makarating sa lunsod ng Manti. At sa gayon ito ay nangyari na, na sa pamamagitan ng pakanang ito ay naangkin namin ang lunsod ng Manti nang walang pagdanak ng dugo.
At ito ay nangyari na, nang ang mga hukbo ng mga Lamanita ay makarating sa malapit sa lunsod, at nakita nilang nakahanda kaming humarap sa kanila, ay labis silang nanggilalas at nakadama ng masidhing takot, kung kaya nga’t sila ay nagsitakas sa ilang. Oo, at ito ay nangyari na, na ang mga hukbo ng mga Lamanita ay nagsitakas sa lahat ng bahaging ito ng lupain. Subalit masdan, sila ay nagtangay ng maraming babae at bata mula sa lupain. At ang mga yaong lunsod na nasakop ng mga Lamanita, lahat ng yaon sa mga oras na ito’y nasa aming pag-aari; at ang aming mga ama at aming kababaihan, at aming mga anak ay nagsisibalik sa kani-kanilang mga tahanan, lahat maliban sa mga yaong nadalang bihag at tinangay ng mga Lamanita.