At masdan, ngayon ito ay nangyari na, na ang aming sumunod na layunin ay makuha ang lunsod ng Manti; subalit masdan, walang paraang mailayo namin sila mula sa lunsod sa pamamagitan ng aming maliliit na pangkat. Sapagkat masdan, naalaala nila ang ginawa namin noong una; anupa’t hindi namin sila malinlang na lumayo sa kanilang mga muog. At higit silang nakararami kaysa sa aming hukbo kung kaya’t hindi namin tinangkang harapin at salakayin sila sa kanilang mga muog.
Oo, at kinailangang gamitin namin ang aming mga tauhan sa pangangalaga ng mga bahaging yaon ng lupain na nabawi namin ang pagmamay-ari; kaya nga, kinakailangang kami ay maghintay, upang makatanggap kami ng karagdagang lakas mula sa lupain ng Zarahemla at gayon din ng karagdagang panustos na mga pagkain.
At ito ay nangyari na, na sa gayon ako nagpasugo ng mensahero sa gobernador ng ating lupain, upang maipaalam sa kanya ang hinggil sa mga bagay-bagay ng ating mga tao. At ito ay nangyari na, na kami ay naghintay na makatanggap ng mga pagkain at lakas mula sa lupain ng Zarahemla. Subalit masdan, nakinabang kami nang kaunti lamang dito; sapagkat ang mga Lamanita ay tumatanggap din ng labis na lakas sa araw-araw, at marami ring pagkain; at gayon ang aming kalagayan sa panahong ito.
At ang mga Lamanita ay sinasalakay kami sa pana-panahon, gumagamit ng pakana upang lipulin kami; gayon pa man, hindi kami maaaring makidigma sa kanila, dahil sa kanilang mga dulugan at kanilang mga muog.
At ito ay nangyari na, na kami ay naghintay sa ganitong mahirap na kalagayan sa loob ng maraming buwan, maging hanggang sa masasawi na sana kami dahil sa kawalan ng pagkain. Subalit ito ay nangyari na, na kami ay nakatanggap ng pagkain, na binantayan para sa amin ng isang hukbo ng dalawang libong tauhan bilang tulong sa amin; at ito lamang ang tulong na natanggap namin, upang ipagtanggol ang aming sarili at ating bayan mula sa pagbagsak sa mga kamay ng ating mga kaaway, oo, upang labanan ang kaaway na hindi mabilang.
At ngayon, ang dahilan ng aming pagkapahiyang ito, o ang dahilan kung bakit hindi sila nagpadala ng karagdagan pang lakas sa amin, ay hindi namin nalalaman; kaya nga, kami ay nalungkot at napuspos din ng takot, at baka sa anumang pamamaraan ay dalawin kami ng mga paghahatol ng Diyos sa ating lupain, tungo sa ating pagkagapi at lubos na pagkalipol.
Anupa’t ibinuhos namin ang aming mga kaluluwa sa panalangin sa Diyos, upang palakasin niya kami at iligtas kami mula sa mga kamay ng ating mga kaaway, oo, at bigyan din tayo ng lakas na mapangalagaan natin ang ating mga lunsod, at ating mga lupain, at ating mga pag-aari, para sa pagtataguyod ng ating mga tao. Oo, at ito ay nangyari na, na kami ay dinalaw ng mga paniniyak ng Panginoon nating Diyos na ililigtas niya kami; oo, hanggang sa siya ay bumulong ng kapayapaan sa aming mga kaluluwa, at nagbigay sa amin ng malaking pananampalataya, at pinapangyaring kami ay umasa ng aming kaligtasan sa kanya. At nagkalakas-loob kami sa aming maliit na hukbo na natanggap namin, at matatag na nagtikang gapiin ang aming mga kaaway, at na panatilihin ang ating mga lupain, at ating mga pag-aari, at ating mga asawa, at ating mga anak, at ang layunin ng ating kalayaan.