At ngayon, ito ay nangyari na, na matapos makatamasa si haring Mosias ng patuloy na kapayapaan sa loob ng tatlong taon, nagnais siyang malaman ang hinggil sa mga taong umahon upang manirahan sa lupain ng Lehi-Nephi, o sa lunsod ng Lehi-Nephi; sapagkat ang kanyang mga tao ay walang anumang nabalitaan hinggil sa kanila mula pa noong panahong umalis sila sa lupain ng Zarahemla; samakatwid, binagabag siya ng kanilang mga panliligalig. At ito ay nangyari na, na pinahintulutan ni haring Mosias na umahon ang labing-anim sa kanilang malalakas na kalalakihan sa lupain ng Lehi-Nephi, upang magsiyasat hinggil sa kanilang mga kapatid. At ito ay nangyari na, na nagsimula silang umahon kinabukasan, kasama nila ang isang Ammon, siya na isang malakas at magiting na lalaki, at isang inapo ni Zarahemla; at siya rin ang kanilang pinuno.
At ngayon, hindi nila alam kung anong landas ang kanilang tatahakin sa ilang upang makaahon sa lupain ng Lehi-Nephi; kaya nga, nagpagala-gala sila ng maraming araw sa ilang, maging sa apatnapung araw silang nagpagala-gala. At nang nakagala na sila ng apatnapung araw ay nakarating sila sa isang burol, na nasa hilaga ng lupain ng Silom, at doon nila itinayo ang kanilang mga tolda. At ipinagsama ni Ammon ang tatlo sa kanyang mga kapatid, at ang kanilang mga pangalan ay Amaleki, Helem, at Hem, at bumaba sila sa lupain ng Nephi.