Ang Mga Gawaing Misyonero ni Aaron

Misyonero sa Kulungan

Alma 21:12–13

Ang mga Ani-Anti ay hindi na maitutuwid pa kaya nga si Aaron at ang kanyang mga kaibigan ay humayo papuntang Midoni, kung saan sila ay ipinatapon sa bilangguan.

At ito ay nangyari na, na nakita nilang pinatitigas ng mga tao ang kanilang mga puso, kung kaya’t sila ay lumisan at nakarating sa lupain ng Midoni. At ipinangaral nila ang salita sa marami, at kakaunti ang naniwala sa mga salitang kanilang itinuro.

Gayon pa man, si Aaron at ilang bilang ng kanyang mga kapatid ay dinakip at itinapon sa bilangguan, at ang nalalabi sa kanila ay nagsitakas sa lupain ng Midoni patungo sa mga lugar sa palibot.

Alma 21:14

Si Amon ay dumating kasama si Lamoni, at pinalaya sila.

At yaong mga itinapon sa bilangguan ay nagdusa ng maraming bagay, at sila ay nakalaya sa pamamagitan ng kamay nina Lamoni at Ammon, at sila ay pinakain at dinamitan.

Alma 21:15–17

Si Amon ay lumisan, at si Aaron at ang kanyang mga kaibigan ay muling nagpatuloy sa pangangaral, sinusunod ang Espiritu; Marami sa mga tao ang nagsimulang maniwala.

At sila ay humayong muli upang ipahayag ang salita, at sa gayon sila nakalaya sa unang pagkakataon sa bilangguan; at sa gayon sila nagdusa.

At sila ay humayo saan man sila akayin ng Espiritu ng Panginoon, ipinangangaral ang salita ng Diyos sa lahat ng sinagoga ng mga Amalekita, o sa bawat pagtitipon ng mga Lamanita kung saan sila maaaring tanggapin.

At ito ay nangyari na, na nagsimulang pagpalain sila ng Panginoon, kung kaya nga’t nadala nila ang marami sa kaalaman ng katotohanan; oo, napaniwala nila ang marami tungkol sa kanilang mga kasalanan, at sa mga kaugalian ng kanilang mga ama, na hindi tama.