Sa gayon, sa pagbabalik-loob sa Panginoon, at kailanman ay hindi ito naipaalam, anupa’t nang makita niya na ang lahat ng tagapagsilbi ni Lamoni ay nalugmok sa lupa, at gayon din ang kanyang babaing pinagsisilbihan, ang reyna, at ang hari, at si Ammon ay nakahandusay sa lupa, ay alam niyang ito ay kapangyarihan ng Diyos; at inaakala na ang pagkakataong ito, sa pamamagitan ng pagpapaalam sa mga tao kung ano ang nangyari sa kanila, na sa pamamagitan ng pagmalas ng tagpong ito ay maging dahilan upang sila ay maniwala sa kapangyarihan ng Diyos, kaya nga, siya ay tumakbo sa bahay-bahay, ipinaaalam ito sa mga tao.
At nagsimulang sama-samang tipunin nila ang kanilang sarili sa tahanan ng hari. At may dumating na maraming tao, at sa kanilang panggigilalas, namasdan nila ang hari, at ang reyna, at kanilang mga tagapagsilbi na nakahandusay sa lupa, at silang lahat ay nakahiga roon na tila bagang mga patay na; at nakita rin nila si Ammon, at masdan, isa siyang Nephita.
At ngayon, ang mga tao ay nagsimulang bumulung-bulong sa kanilang sarili; sinasabi ng ilan na isa itong kakila-kilabot na kasamaan na sumapit sa kanila, o sa hari at sa kanyang sambahayan, sapagkat ipinahintulot niyang manatili ang Nephita sa lupain. Subalit sila ay pinagsabihan ng iba, sinasabing:
Ang hari ang siyang nagdala ng kasamaang ito sa kanyang sambahayan, dahil sa ipinapatay niya ang kanyang mga tagapagsilbi na nagawang ikalat ang kanilang mga kawan sa mga tubig ng Sebus.
At sila rin ay pinagsabihan ng mga yaong lalaking nagsitindig sa mga tubig ng Sebus at siyang nagkalat ng mga kawan na pag-aari ng hari, sapagkat sila ay galit kay Ammon dahil sa bilang ng kanyang napatay sa kanilang mga kapatid sa mga tubig ng Sebus, samantalang ipinagtatanggol ang mga kawan ng hari.
Ngayon, isa sa kanila, na ang kapatid na lalaki ay napatay ng espada ni Ammon, sa labis na galit kay Ammon, ay hinugot ang kanyang espada at lumusob upang itarak niya ito kay Ammon, upang patayin siya; at nang itaas niya ang espada upang saksakin siya, masdan, bumagsak siyang patay.
Ngayon nakikita nating si Ammon ay hindi maaaring mapatay, sapagkat sinabi ng Panginoon kay Mosias, na kanyang ama: Pangangalagaan ko siya, at mangyayari sa kanya alinsunod sa iyong pananampalataya—anupa’t ipinagkatiwala siya ni Mosias sa Panginoon.
At ito ay nangyari na, nang mamasdan ng maraming tao na bumagsak na patay ang lalaki, na nagtaas ng espada upang patayin si Ammon, na nanaig ang takot sa kanilang lahat, at hindi nila tinangkang iunat ang kanilang mga kamay upang hawakan siya o sino man sa mga yaong nangalugmok; at nagsimula silang muling manggilalas sa kanilang sarili kung ano kaya ang sanhi ng kahanga-hangang kapangyarihang ito, o ano ang ibig sabihin ng lahat ng bagay na ito.
At ito ay nangyari na, na marami sa kanila ang nagsabi na si Ammon ang Dakilang Espiritu, at ang iba ay nagsabi naman na siya ay isinugo ng Dakilang Espiritu;
Subalit pinagsabihan silang lahat ng iba, na nagsasabing isa siyang halimaw, na isinugo mula sa mga Nephita upang parusahan sila. At may ilang nagsabing isinugo si Ammon ng Dakilang Espiritu upang sila ay pahirapan dahil sa kanilang mga kasamaan; at na ito ang Dakilang Espiritu na parating nangangalaga sa mga Nephita, na noon pa ay inililigtas sila sa kanilang mga kamay; at sinabi nilang ito ang Dakilang Espiritu na lumipol sa marami sa kanilang mga kapatid, ang mga Lamanita. At sa gayon nagsimulang maging matalim ang mga pagtatalu-talo sa kanila.