At makalipas ang tatlong araw na nasa paglilingkod siya ng hari, habang siya ay kasama ng mga tagapagsilbing Lamanita na nagtungo kasama ang kanilang mga kawan sa lugar ng tubig, na tinatawag na tubig ng Sebus, at doon itinataboy ng lahat ng Lamanita ang kanilang mga kawan, upang makainom ang mga ito ng tubig—
Samakatwid, habang itinataboy ni Ammon at ng mga tagapagsilbi ng hari ang kanilang mga kawan sa lugar na ito ng tubig, masdan, ilang bilang ng mga Lamanita, na nagtungong kasama ang kanilang mga kawan upang painumin, ay tumindig at ikinalat ang mga kawan ni Ammon at ng mga tagapagsilbi ng hari, at kanilang ikinalat ang mga ito hanggang sa magpanakbuhan ang mga ito sa iba’t ibang dako.
Ngayon kagawian ito ng mga Lamanita na tumindig sa malapit sa mga tubig ng Sebus upang ikalat ang mga kawan ng mga tao, upang maitaboy nilang palayo ang marami sa mga tupang nakalat sa kanilang sariling lupain, ito na isang kagawian ng pandarambong sa kanila.
Ngayon, ang mga tagapagsilbi ng hari ay nagsimulang bumulung-bulong, sinasabing:
Ngayon tayo ay ipapapatay ng hari, tulad ng kanyang ginawa sa ating mga kapatid sapagkat ang kanilang mga kawan ay naikalat dahil sa kasamaan ng kalalakihang ito.
At sila ay nagsimulang manangis nang labis, sinasabing:
Masdan, ang ating mga kawan ay nakakalat na.
Ngayon, sila ay nagpanangisan dahil sa takot na patayin.
Sapagkat kanyang ipinapatay ang marami sa kanila dahil sa ikinalat ng kanilang mga kapatid ang kanilang mga kawan sa lugar ng tubig; at sa gayon, dahil sa ikinalat nila ang kanilang mga kawan sila ay ipinapatay.
Ngayon, nang makita ito ni Ammon ay tumaba ang kanyang puso sa kagalakan; sapagkat sinabi niya,
ipakikita ko ang aking kapangyarihan sa kanila na kapwa ko mga tagapagsilbi, o ang kapangyarihan na nasa akin, sa pagpapanumbalik ng mga kawang ito sa hari, upang makamtan ko ang pagtitiwala ng mga kapwa ko tagapagsilbing ito, nang maakay ko silang maniwala sa aking mga salita.
At ngayon, ito ang mga nasasaisip ni Ammon, nang kanyang makita ang mga paghihirap ng mga yaong tinatawag niyang kanyang mga kapatid.
At ito ay nangyari na, na kanyang hinibok sila sa pamamagitan ng kanyang mga salita, sinasabing:
Mga kapatid ko, magsipagsaya at halinang humayo tayo sa paghahanap sa mga kawan, at sama-samang titipunin natin ang mga ito at ibabalik ang mga ito sa lugar ng tubig; at sa gayon mapangangalagaan natin ang mga kawan para sa hari at hindi niya tayo ipapapatay.
At ito ay nangyari na, na sila ay humayo sa paghahanap sa mga kawan, at sinunod nila si Ammon, at nagmadali sila nang napakabilis at hinarang ang mga kawan ng hari, at sama-samang tinipong muli ang mga ito sa lugar ng tubig.
At yaong mga lalaki ay muling tumindig upang ikalat ang kanilang mga kawan; subalit sinabi ni Ammon sa kanyang mga kapatid:
Palibutan ang mga kawan upang hindi magpanakbuhan ang mga ito;
at ako ay hahayo at makikipaglaban ako sa mga lalaking ito na mga nagkakalat ng ating mga kawan.
Samakatwid, ginawa nila ang iniutos sa kanila ni Ammon, at siya ay humayo at tumindig upang makipaglaban sa mga yaong nakatindig sa malapit sa mga tubig ng Sebus; at ang kanilang bilang ay hindi kakaunti.
Kaya nga, hindi sila natakot kay Ammon, sapagkat inakala nila na isa sa kanilang mga tauhan ay makakayang patayin siya alinsunod sa kanilang kasiyahan, sapagkat hindi nila nalalaman na ang Panginoon ay nangako kay Mosias na ililigtas niya ang kanyang mga anak mula sa mga kamay nila; ni ang nalalaman nila ang ano mang bagay hinggil sa Panginoon; anupa’t sila ay nagagalak sa pagkawasak ng kanilang mga kapatid; at sa kadahilanang ito sila ay tumindig upang ikalat ang mga kawan ng hari.
Subalit si Ammon ay tumindig at nagsimulang magpukol ng mga bato sa kanila sa pamamagitan ng kanyang tirador; oo, sa kahanga-hangang lakas ay kanyang tinirador sila; at sa gayon napatay niya ang ilang bilang nila kung kaya’t nagsimula silang manggilalas sa kanyang lakas; gayon pa man sila ay nagalit dahil sa pagkakapatay sa kanilang mga kapatid, at nagtika silang pabagsakin siya; kaya nga, nakikitang hindi nila siya matamaan ng kanilang mga bato, sumugod silang dala ang mga pambambo upang patayin siya.
Subalit masdan, bawat lalaking nagtaas ng kanyang pambambo upang hampasin si Ammon, ay pinuputol niya ang kanilang mga bisig sa pamamagitan ng kanyang espada; sapagkat napaglabanan niya ang kanilang mga hampas sa pamamagitan ng pagpuputol ng kanilang mga bisig ng talim ng kanyang espada, kung kaya’t nagsimula silang manggilalas, at nagsimulang magsitakas sa kanyang harapan; oo, ang kanilang bilang ay hindi kakaunti; at kanyang napatakbo sila sa pamamagitan ng lakas ng kanyang bisig.
Ngayon, anim sa kanila ang bumagsak sa pamamagitan ng tirador, subalit wala siyang pinatay maliban sa kanilang pinuno sa pamamagitan ng kanyang espada; at kasindami ng mga bisig na nagtaas laban sa kanya ay pinutol niya, at hindi ito kakaunti.
At nang kanyang maitaboy sila sa malayo, siya ay nagbalik at pinainom nila ang kanilang mga kawan at ibinalik ang mga ito sa pastulan ng hari, at pagkatapos ay nagtungo sa hari, dala-dala ang mga bisig na pinutol ng espada ni Ammon, ng yaong mga naghangad na patayin siya; at dinala ang mga ito sa hari bilang patotoo ng mga bagay na kanilang ginawa.