At ito ay nangyari na, na habang sina Ammon at Lamoni ay naglalakbay paparoon, nakasalubong nila ang ama ni Lamoni, na siyang hari ng buong lupain. At masdan, sinabi ng ama ni Lamoni sa kanya:
Bakit hindi ka nagtungo sa piging
ng dakilang araw na yaon nang magpapiging ako para sa aking mga anak,
at sa aking mga tao?
At sinabi rin niya:
Saan ka patutungo kasama ng Nephita na ito,
na isa sa mga anak ng sinungaling?
At ito ay nangyari na, na ipinaalam sa kanya ni Lamoni kung saan siya patutungo, sapagkat siya ay natakot na magdamdam siya.
At sinabi rin niya sa kanya ang lahat ng dahilan ng pananatili niya sa kanyang sariling kaharian, kung kaya’t hindi siya nakatungo sa kanyang ama sa piging na inihanda niya.
At ngayon, nang maipaalam sa kanya ni Lamoni ang lahat ng bagay na ito, masdan, sa panggigilalas niya, ang kanyang ama ay nagalit sa kanya, at nagsabi:
Lamoni, isusuko mo ang mga Nephita na ito, na mga anak ng sinungaling. Masdan, nilooban niya ang ating mga ama; at ngayon, ang kanyang mga anak ay nakikihalubilo na rin sa atin upang magawa nila, sa pamamagitan ng kanilang katusuhan at kanilang mga kasinungalingan, na linlangin tayo, upang muli nila tayong malooban ng ating mga ari-arian.
Ngayon inutusan si Lamoni ng kanyang ama na kanyang nararapat patayin si Ammon sa pamamagitan ng espada. At kanyang inutusan din siya na hindi siya nararapat na magtungo sa lupain ng Midoni, kundi siya ay nararapat na magbalik kasama niya sa lupain ng Ismael.
Subalit sinabi ni Lamoni sa kanya:
Hindi ko papatayin si Ammon, ni ang magbalik ako sa lupain ng Ismael, kundi ako ay magtutungo sa lupain ng Midoni upang mapalaya ko ang mga kapatid ni Ammon, sapagkat nalalaman kong sila ay mga taong makatarungan at mga banal na propeta ng tunay na Diyos.
Ngayon, nang marinig ng kanyang ama ang mga salitang ito, siya ay nagalit sa kanya, at hinugot ang kanyang espada upang saksakin siya pabagsak sa lupa.
Subalit tumindig si Ammon at sinabi sa kanya:
Masdan, hindi ninyo papatayin ang inyong anak; gayon pa man, higit na mabuting siya ay bumagsak kaysa sa inyo, sapagkat masdan, siya ay nagsisi na ng kanyang mga kasalanan; subalit kung babagsak kayo sa panahong ito, sa inyong galit, ang inyong kaluluwa ay hindi maliligtas.
At muli, kinakailangang magpigil kayo; sapagkat kung papatayin ninyo ang inyong anak, siya na isang taong walang sala, ang kanyang dugo ay dadaing mula sa lupa sa Panginoon niyang Diyos, upang ang paghihiganti ay mapasainyo; at malamang na mawala sa inyo ang inyong kaluluwa.
Ngayon, nang sabihin ni Ammon ang mga salitang ito sa kanya, kanyang tinugon siya, sinasabing:
Nalalaman ko na kung papatayin ko ang aking anak, na padadanakin ko ang dugo ng walang sala; sapagkat ikaw ang naghangad na mapatay siya.
At iniunat niya ang kanyang kamay upang patayin si Ammon. Subalit napaglabanan ni Ammon ang kanyang mga saksak, at sinugatan din ang kanyang kamay upang hindi niya ito magamit.
Ngayon, nang makita ng hari na siya ay kayang patayin ni Ammon, na siya ay nagsimulang magmakaawa kay Ammon na huwag kitlin ang kanyang buhay. Subalit itinaas ni Ammon ang kanyang espada, at sinabi sa kanya:
Masdan, sasaksakin kita
maliban sa inyong ipagkaloob sa akin
na ang aking mga kapatid ay mapalaya sa bilangguan.
Ngayon, ang hari, natatakot na mawala ang kanyang buhay, ay nagsabi:
Kung hindi mo ako papatayin ay ipagkakaloob ko sa iyo
ang ano mang hihingin mo, maging ang kalahati ng kaharian.
Ngayon, nang makita ni Ammon na nagawa niya sa matandang hari ang alinsunod sa kanyang nais, ay sinabi niya sa kanya:
Kung ipagkakaloob ninyo na ang aking mga kapatid ay palabasin sa bilangguan, at na mananatili rin kay Lamoni ang kanyang kaharian, at hindi kayo magagalit sa kanya, kundi ipagkakaloob na magawa niya ang naaayon sa kanyang sariling mga naisin sa ano mang bagay na iniisip niya, sa gayon hindi kita papatayin; kung hindi kayo ay sasaksakin ko pabagsak sa lupa.
Ngayon, nang sabihin ni Ammon ang mga salitang ito, ang hari ay nagsimulang magsaya dahil sa kanyang buhay.
At nang makita niyang walang hangad si Ammon na patayin siya, at nang kanya ring makita ang dakilang pagmamahal na taglay niya para sa kanyang anak na si Lamoni, siya ay labis na nanggilalas, at sinabi:
Dahil sa ito lamang ang hiniling mo, na palayain ko ang iyong mga kapatid, at pahintulutang manatili sa anak kong si Lamoni ang kanyang kaharian, masdan, ipagkakaloob ko sa iyo na manatili sa aking anak ang kanyang kaharian mula ngayon at magpakailanman; at hindi ko na siya pamamahalaan pa—
At ipagkakaloob ko rin sa iyo na ang iyong mga kapatid ay mapalabas sa bilangguan, at makatutungo ka at ang iyong mga kapatid sa akin, sa aking kaharian; sapagkat lubos kong nanaising makita ka.
Sapagkat ang hari ay labis na nanggilalas sa mga salitang sinabi niya, at sa mga salita ring sinabi ng kanyang anak na si Lamoni, kung kaya’t nagnais siyang malaman ang mga ito.