At ito ay nangyari na, nang maihanda na ni Ammon ang mga kabayo at karuwahe para sa hari at sa kanyang mga tagapagsilbi, siya ay nagtungo sa hari, ...
...at nakitang nagbago ang anyo ng mukha ng hari; kaya nga, babalik na sana siya paalis sa kanyang harapan.
At isa sa mga tagapagsilbi ng hari ang nagsabi sa kanya, Rabana, na ang ibig ipakahulugan, makapangyarihan o dakilang hari, ipinalalagay na ang kanilang mga hari ay makapangyarihan; at sa gayon sinabi niya sa kanya:
Rabana, nais ng haring manatili ka.
Kaya nga iniharap ni Ammon ang kanyang sarili sa hari, at sinabi sa kanya:
Ano ang nais ninyong gawin ko para sa inyo, O hari?
At hindi siya tinugon ng hari sa loob ng isang oras, alinsunod sa kanilang oras, sapagkat hindi niya alam kung ano ang kanyang nararapat sabihin sa kanya.
At ito ay nangyari na, na muling sinabi ni Ammon sa kanya:
Ano ang nais ninyo sa akin?
Subalit hindi siya tinugon ng hari.
At ito ay nangyari na, na si Ammon, na puspos ng Espiritu ng Diyos, kaya nga nahiwatigan niya ang mga iniisip ng hari. At sinabi niya sa kanya:
Dahil ba sa narinig ninyong ipinagtanggol ko ang inyong mga tagapagsilbi at ang inyong mga kawan, at pinatay ang pito sa kanilang mga kapatid sa pamamagitan ng tirador at ng espada, at pinutol ang mga bisig ng iba pa, upang maipagtanggol ang inyong mga kawan at inyong mga tagapagsilbi; masdan, ito ba ang sanhi ng inyong panggigilalas Sinasabi ko sa inyo, ano ba ito, na labis-labis ang inyong panggigilalas?
Masdan, ako ay isang tao, at inyong tagapagsilbi; kaya nga, ano man ang inyong naising tama, yaon ay gagawin ko.
Ngayon, nang marinig ng hari ang mga salitang ito, muli siyang nanggilalas, sapagkat namasdan niyang nahihiwatigan ni Ammon ang kanyang mga iniisip; subalit sa kabila nito, ibinuka ni haring Lamoni ang kanyang bibig, at sinabi sa kanya:
Sino ka?
Ikaw ba yaong Dakilang Espiritu,
na nakaaalam ng lahat ng bagay?
Tumugon si Ammon at sinabi sa kanya:
Hindi ako.
At sinabi ng hari:
Paanong nalalaman mo ang mga niloloob ng aking puso? Makapagsasalita ka nang walang takot, at sabihin sa akin ang hinggil sa mga bagay na ito; at sabihin mo rin sa akin sa anong kapangyarihan iyong pinatay at pinutol ang mga bisig ng aking mga kapatid na nagkalat ng aking mga kawan—
Ngayon, kung sasabihin mo sa akin ang hinggil sa mga bagay na ito, ano man ang naisin mo ay ibibigay ko sa iyo; at kung kinakailangan, pababantayan kita sa aking mga hukbo; subalit nalalaman kong higit kang makapangyarihan kaysa sa kanilang lahat; gayon pa man, ano man ang naisin mo sa akin ay ipagkakaloob ko sa iyo.