Ang Talumpati ni Haring Benjamin

Reaksiyon ng Takapakinig

Mosiah 5:1

Si Benjamin ay nagpasabi sa kanyang mga tagapakinig na kilalanin ang kanilang mga reaksiyon sa kanyang mensahe.

At ngayon, ito ay nangyari na, nang si haring Benjamin ay makapangusap sa kanyang mga tao, siya ay nagpasugo sa kanila, nagnanais na malaman kung ang kanyang mga tao ay naniwala sa mga salitang kanyang sinabi sa kanila.

Mosiah 5:2–5

Ang mga tao ay sabay-sabay na binanggit na ang Diyos ang nagpabago ng kanilang puso, at sila ay nagnanais na makipagtipan sa Diyos upang gawin ang kanyang kagustuhan.

At silang lahat ay sumigaw sa iisang tinig, sinasabing:

Oo, pinaniniwalaan namin ang lahat ng salitang iyong sinabi sa amin; at gayundin, alam namin ang katiyakan at katotohanan ng mga yaon, dahil sa Espiritu ng Panginoong Makapangyarihan na gumawa ng malaking pagbabago sa amin, o sa aming mga puso, kaya nga kami ay wala nang hangarin pang gumawa ng masama, kundi ang patuloy na gumawa ng mabuti.

At kami, sa aming sarili, gayon din, sa pamamagitan ng walang hanggang kabutihan ng Diyos, at sa mga pagpapahayag ng kanyang Espiritu, ay nagkaroon ng mga dakilang pananaw sa yaong darating; at kung kapaki-pakinabang, maaari kaming makapagpropesiya ng lahat ng bagay.

At ito ang pananampalatayang nakamit namin sa mga bagay na sinabi sa amin ng aming hari na nagdala sa amin sa ganito kadakilang kaalaman, kung kaya’t kami ay nagsasaya nang labis-labis sa dakilang kagalakan.

At kami ay nahahandang makipagtipan sa aming Diyos na gawin ang kanyang kalooban, at maging masunurin sa kanyang mga kautusan sa lahat ng bagay na kanyang ipag-uutos sa amin, sa lahat ng nalalabi naming mga araw, upang hindi namin dalhin sa aming sarili ang isang walang katapusang parusa, kagaya ng sinabi ng anghel, upang hindi kami makatungga sa saro ng poot ng Diyos.