At ito ay nangyari na, na dalawang daang taon ang lumipas; at ang ikalawang salinlahi ay nangamatay na lahat maliban sa iilan. At ngayon, ako, si Mormon, ay nagnanais na inyong malaman na ang mga tao ay nagsidami, hanggang sa sila ay kumalat sa ibabaw ng buong lupain, at sila ay yumaman nang labis, dahil sa kanilang kasaganaan kay Cristo.
At ngayon, dito sa ikadalawang daan at isang taon ay nagsimulang magkaroon sa kanila ng mga yaong iniangat sa kapalaluan, tulad ng pagsusuot ng mamahaling kasuotan, at lahat ng uri ng maiinam na perlas, at ng maiinam na bagay ng daigdig. At mula sa panahong yaon, ang kanilang mga ari-arian at kanilang mga kabuhayan ay hindi na naging pangkalahatan sa kanila. At sila ay nagsimulang mahati sa mga uri; at sila ay nagsimulang magtayo ng mga simbahan para sa kanilang sarili upang makinabang, at nagsimulang itatwa ang tunay na simbahan ni Cristo.
At ito ay nangyari na, nang ang dalawang daan at sampung taon ay makalipas, nagkaroon ng maraming simbahan sa lupain; oo, maraming simbahan ang nagpahayag na kilala si Cristo, gayunpaman, kanilang itinatwa ang malaking bahagi ng kanyang ebanghelyo, kung kaya nga’t sila ay tumanggap ng lahat ng uri ng kasamaan, at ibinahagi yaong kung alin ay banal sa kanya na pinagbabawalan dahil sa pagiging hindi karapat-dapat. At ang simbahang ito ay labis na dumami dahil sa kasamaan, at dahil sa kapangyarihan ni Satanas na nakasilo sa kanilang mga puso.
At muli, may ibang simbahan na itinatatwa si Cristo; at kanilang inusig ang tunay na simbahan ni Cristo, dahil sa kanilang pagpapakumbaba at kanilang paniniwala kay Cristo; at kanilang kinamuhian sila dahil sa maraming himalang ginawa sa kanila. Anupa’t sila ay gumamit ng kapangyarihan at karapatan sa mga disipulo ni Jesus na naiwan sa kanila, at sila’y kanilang itinapon sa bilangguan; ngunit sa pamamagitan ng kapangyarihan ng salita ng Diyos na taglay nila, ang mga bilangguan ay nahati sa dalawa, at sila ay humayong gumagawa ng mga makapangyarihang himala sa kanila.
Gayunpaman, at sa kabila ng lahat ng himalang ito ay pinatigas ng mga tao ang kanilang mga puso, at naghangad na patayin sila, katulad ng mga Judio sa Jerusalem na naghangad na patayin si Jesus, ayon sa kanyang salita. At kanila silang itinapon sa mga hurno ng apoy, at sila ay lumabas na hindi nasaktan. At kanila rin silang itinapon sa mga lungga ng mababangis na hayop, at sila ay nakipaglaro sa mababangis na hayop katulad ng isang bata sa isang kordero; at sila ay lumabas muli mula sa kanila, na hindi nasaktan.
Gayunpaman, pinatigas ng mga tao ang kanilang mga puso, sapagkat sila ay naakay ng maraming saserdote at mga bulaang propeta na magtayo ng maraming simbahan, at gumawa ng lahat ng uri ng kasamaan. At kanilang sinaktan ang mga tao ni Jesus; ngunit ang mga tao ni Jesus ay hindi gumanti sa kanila. At sa gayon sila nanghina sa kawalang-paniniwala at sa kasamaan, sa taun-taon, maging hanggang sa ang dalawang daan at tatlumpung taon ay lumipas.