At ito ay nangyari na, na sa taon ding yaon ay muling nagsimulang magkaroon ng digmaan sa pagitan ng mga Nephita at ng mga Lamanita. At sa kabila ng aking pagiging bata, ay malaki ang pangangatawan; anupa’t ako ay hinirang ng mga tao ni Nephi na ako ang maging pinuno nila, o ang pinuno ng kanilang mga hukbo. Kaya nga ito ay nangyari na, na sa aking ikalabing-anim na taon ako ay humayo sa unahan ng hukbo ng mga Nephita, laban sa mga Lamanita; anupa’t tatlong daan at dalawampu at anim na taon na ang nakalipas.
At ito ay nangyari na, na sa ikatatlong daan at dalawampu at pitong taon kami ay sinalakay ng mga Lamanita nang may labis na lakas, hanggang sa natakot nila ang aking mga hukbo; kaya nga tumanggi silang lumaban, at nagsimula silang magsiurong patungo sa hilagang bayan. At ito ay nangyari na, na kami ay nakarating sa lunsod ng Angola, at inangkin namin ang lunsod, at gumawa ng mga paghahanda upang maipagtanggol ang aming sarili laban sa mga Lamanita.
At ito ay nangyari na, na pinatibay namin ang lunsod nang aming buong lakas; subalit sa kabila ng lahat ng aming pagpapatibay kami ay nasalakay pa rin ng mga Lamanita at naitaboy kami palabas ng lunsod na yaon. At naitaboy rin nila kami palabas ng lupain ng David. At humayo kami at nakarating sa lupain ng Josue, na nasa mga hangganang kanluran sa may dalampasigan.
At ito ay nangyari na, na mabilis naming tinipon ang aming mga tao hangga’t maaari, upang matipon namin sila sa iisang pangkat. Subalit masdan, ang lupain ay puno ng mga tulisan at ng mga Lamanita; at sa kabila ng malaking pagkalipol na nakaantabay sa aking mga tao, hindi sila nagsisi sa kanilang masasamang gawain; anupa’t ang pagdadanak ng dugo’t pagkakatay ay lumaganap sa ibabaw ng buong lupain, kapwa sa panig ng mga Nephita at sa panig din ng mga Lamanita; at ito ay isang buong pag-uulit-ulit sa ibabaw ng buong lupain.
At ngayon, may hari ang mga Lamanita, at ang kanyang pangalan ay Aaron; at sinalakay niya kami ng isang hukbo ng apatnapu at apat na libo. At masdan, hinarap ko siya ng apatnapu at dalawang libo. At ito ay nangyari na, na nagapi ko siya ng aking hukbo kung kaya’t siya ay tumakas sa aking harapan. At masdan, naganap ang lahat ng ito, at ang tatlong daan at tatlumpung taon ay lumipas.
At ito ay nangyari na, na ang mga Nephita ay nagsimulang magsisi ng kanilang kasamaan, at nagsimulang sumigaw maging tulad ng ipinopropesiya ni Samuel, ang propeta; sapagkat masdan walang sinuman ang nakapagpapanatili ng kanyang sariling pag-aari, dahil sa mga magnanakaw, at ang mga tulisan, at ang mga mamamatay-tao, at ang pagsasalamangka, at ang pambabarang na nasa lupain. Sa gayon nagsimulang magkaroon ng pagdadalamhati at pananaghoy sa buong lupain dahil sa mga bagay na ito, at lalung-lalo na sa mga tao ni Nephi.
At ito ay nangyari na, nang ako, si Mormon, ay nakita ang kanilang pamimighati at kanilang pananaghoy at kanilang kalungkutan sa harapan ng Panginoon, nagsimulang magalak ang aking puso, nalalaman ang mga awa at ang mahabang pagtitiis ng Panginoon, kaya nga nag-aakala na magiging maawain siya sa kanila na sila ay muling maging mabubuting tao.
Subalit masdan itong aking kagalakan ay walang saysay, sapagkat ang kanilang kalungkutan ay hindi tungo sa pagsisisi, dahil sa kabutihan ng Diyos; kundi ito ang kalungkutan ng mga isinumpa, dahil sa hindi sila laging pahihintulutan ng Panginoon na lumigaya sa kasalanan. At hindi sila lumapit kay Jesus nang may bagbag na puso at nagsisising espiritu, kundi isinusumpa nila ang Diyos, at naghahangad na mamatay. Gayon pa man ipinanghamok nila ang espada para sa kanilang mga buhay.
At ito ay nangyari na, na ang aking kalungkutan ay muling bumalik sa akin, at nakita ko na ang araw ng palugit ay lumipas na sa kanila, kapwa pangtemporal at pang-espirituwal; sapagkat nakita ko na libu-libo sa kanila ang napatay sa hayagang paghihimagsik laban sa kanilang Diyos, at ibinunton tulad ng pataba sa lupa sa ibabaw ng lupain.