At ito ay nangyari na, nang ako, si Mormon, ay nakita ang kanilang pamimighati at kanilang pananaghoy at kanilang kalungkutan sa harapan ng Panginoon, nagsimulang magalak ang aking puso, nalalaman ang mga awa at ang mahabang pagtitiis ng Panginoon, kaya nga nag-aakala na magiging maawain siya sa kanila na sila ay muling maging mabubuting tao.
Subalit masdan itong aking kagalakan ay walang saysay, sapagkat ang kanilang kalungkutan ay hindi tungo sa pagsisisi, dahil sa kabutihan ng Diyos; kundi ito ang kalungkutan ng mga isinumpa, dahil sa hindi sila laging pahihintulutan ng Panginoon na lumigaya sa kasalanan. At hindi sila lumapit kay Jesus nang may bagbag na puso at nagsisising espiritu, kundi isinusumpa nila ang Diyos, at naghahangad na mamatay. Gayon pa man ipinanghamok nila ang espada para sa kanilang mga buhay.
At ito ay nangyari na, na ang aking kalungkutan ay muling bumalik sa akin, at nakita ko na ang araw ng palugit ay lumipas na sa kanila, kapwa pangtemporal at pang-espirituwal; sapagkat nakita ko na libu-libo sa kanila ang napatay sa hayagang paghihimagsik laban sa kanilang Diyos, at ibinunton tulad ng pataba sa lupa sa ibabaw ng lupain. [i]3546[/i]