Ang Pag-unti at Pagbagsak ng Mga Nephita

Ang Mga Paghahanda Para sa Huling Pakikipaglaban

Mormon 6:1–3

Si Mormon ay sumulat ng isang liham sa hari ng mga Lamanita na nagmumungkahi na ang dalawang hukbo ay magtagpo para sa isang labanan malapit sa burol Cumorah—ang hari ng mga Lamanita ay sumang-ayon.

At ngayon, tatapusin ko ang aking talaan hinggil sa pagkalipol ng aking mga tao, ang mga Nephita. At ito ay nangyari na, na kami ay humayo sa harapan ng mga Lamanita. At ako, si Mormon, ay sumulat ng liham sa hari ng mga Lamanita, at hiniling sa kanya na kanyang ipagkaloob sa amin na kung maaari ay matipong magkakasama ang aming mga tao sa lupain ng Cumorah, sa burol na tinatawag na Cumorah, at doon kami makikipagdigma sa kanila. At ito ay nangyari na, na ipinagkaloob sa akin ng hari ng mga Lamanita ang bagay na aking hiniling.

Mormon 6:4–5

Si Mormon, na ngayon 74 na taong gulang, ay tinipon ang kanyang mga tao sa lupain ng Cumorah, kung saan inaasahan niya na siya ay makakakuha ng kalamangan laban sa mga Lamanita.

At ito ay nangyari na, na kami ay humayo sa lupain ng Cumorah, at itinayo namin ang aming mga tolda sa paligid ng burol ng Cumorah; at iyon ay sa isang lupain ng maraming tubig, mga ilog, at bukal; at dito kami ay umasang magkakaroon ng kalamangan sa mga Lamanita. At nang ang tatlong daan at walumpu at apat na taon ay makalipas, natipon naming lahat ang nalabi sa aming mga tao sa lupain ng Cumorah.

Mormon 6:6

Nang magawa ito, ibinaon niya ang lahat ng mga lumang talaan ng mga Nephita sa burol Cumorah, subalit dinala niya ang sarili niyang mga laminang ginto upang ibigay sa kanyang anak na si Moroni.

...ginawa ko ang mga talaang ito mula sa mga lamina ni Nephi, at itinago sa burol Cumorah ang lahat ng talaang ipinagkatiwala sa akin ng kamay ng Panginoon, maliban dito sa iilang lamina na ibinigay ko sa aking anak na lalaki na si Moroni.