Ang Pag-unti at Pagbagsak ng Mga Nephita

Pagkasira sa Lipunan

4 Nephi 35–37

Ang mga tao ay nagsimulang maghati-hati sa mga pangkat tulad ng isang lipunan sa mga nakaraang siglo; Ang mga naniniwala ay tinaglay ang pagkakakilanlan bilang Nephita, Lamanita, Jacobeo, Josefita, at Zoramita.

At ngayon ito ay nangyari na, na sa taong ito, oo, sa ikadalawang daan at tatlumpu at isang taon, nagkaroon ng malaking pagkakahati sa mga tao. At ito ay nangyari na, na sa taong ito ay may lumitaw na mga tao na tinatawag na mga Nephita, at sila ay mga tunay na naniniwala kay Cristo; at sa kanila ay may tinatawag na mga Lamanita—Jacobeo, at Josefita, at Zoramita;

Anupa’t, ang mga tunay na naniniwala kay Cristo, at ang mga tunay na sumasamba kay Cristo, (kasama rito ang tatlong disipulo ni Jesus na naiwan) ay tinawag na mga Nephita, at Jacobeo, at Josefita, at Zoramita.

4 Nephi 38–39

Ang mga hindi naniniwala ay tinaglay ang pagkakakilanlan bilang mga Lamanita, Lemuelita, at Ismaelita; naghimagsik sila laban sa ebanghelyo, at tinuruang kamuhian ang mga naniniwala.

At ito ay nangyari na, na sila na mga tumanggi sa ebanghelyo ay tinawag na mga Lamanita, at Lemuelita, at Ismaelita; at sila ay hindi nanghina sa kawalang-paniniwala, kundi sila ay hayagang naghimagsik laban sa ebanghelyo ni Cristo; at itinuro nila sa kanilang mga anak na huwag silang maniwala, maging katulad ng kanilang mga ama, mula sa simula, ay mga nanghina.

At ito ay dahil sa kasamaan at karumal-dumal na gawain ng kanilang mga ama, maging katulad sa simula. At sila ay tinuruang mapoot sa mga anak ng Diyos, maging katulad ng itinuro sa mga Lamanita na mapoot sa mga anak ni Nephi mula sa simula.

4 Nephi 40–41

Ang populasyon ng mga hindi naniniwala ay lumago kaysa sa pangkat ng mga naniniwala.

At ito ay nangyari na, na dalawang daan at apatnapu at apat na taon ang lumipas, at gayon ang mga pangyayari sa mga tao. At ang higit na masasamang bahagi ng mga tao ay naging makapangyarihan, at naging higit na napakarami kaysa sa mga tao ng Diyos.

At sila ay patuloy na nagtayo ng mga simbahan para sa kanilang sarili, at ginayakan nila yaon ng lahat ng uri ng mahahalagang bagay. At sa gayon lumipas ang dalawang daan at limampung taon, at gayon din ang dalawang daan at animnapung taon.

4 Nephi 42–44

Ang lihim na mga samahang Gadianton ay binuhay, at ang kapalaluan ay nagpapahina sa mga puso ng mga tao—ang tatlong disipulo ni Jesus ay nagsimulang malungkot para sa mga kasalanan ng sanlibutan.

At ito ay nangyari na, na ang masamang bahagi ng mga tao ay muling nagsimulang itatag ang mga lihim na sumpaan at pagsasabwatan ni Gadianton.

At gayon din ang mga tao na tinatawag na mga tao ni Nephi ay nagsimulang maging palalo sa kanilang mga puso, dahil sa kanilang labis na kayamanan, at naging mapagmalaki katulad ng kanilang mga kapatid, na mga Lamanita. At magmula sa panahong ito, ang mga disipulo ay nagsimulang malungkot dahil sa mga kasalanan ng sanlibutan.

4 Nephi 45–46

Ang impluwensiya ng Gadianton ay kumalat sa puntong ang lahat ng mga pangkat ay parehong naging masasama at tiwali.

At ito ay nangyari na, nang lumipas ang tatlong daang taon, kapwa ang mga tao ng mga Nephita at ang mga Lamanita ay naging napakasasama, ang isa katulad ng isa.

At ito ay nangyari na, na ang mga tulisan ni Gadianton ay kumalat sa ibabaw ng buong lupain; at wala ni isa mang mabuti maliban sa mga disipulo ni Jesus. At sila ay nagtabi ng maraming ginto at pilak, at nangalakal ng lahat ng uri ng kalakal.