Ang Panahon ng Gadianton

Ang Simula ng Gadianton

Helaman 2:1–2

Matapos ng ilang pagtatalo, si Helaman, ang anak ni Helaman, ay pinili bilang punong hukom sa Zarahemla.

At ito ay nangyari na, na sa ikaapatnapu at dalawang taon ng panunungkulan ng mga hukom, matapos na muling maitatag ni Moronihas ang kapayapaan sa pagitan ng mga Nephita at ng mga Lamanita, masdan, wala ni isa man ang maaaring manungkulan sa hukumang-luklukan; anupa’t nagsimulang magkaroong muli ng alitan sa mga tao hinggil sa kung sino ang manunungkulan sa hukumang-luklukan. At ito ay nangyari na, na si Helaman, na anak ni Helaman, ay hinirang na manungkulan sa hukumang-luklukan, sa pamamagitan ng tinig ng mga tao.

Helaman 2:3–5

Si Kishkumen, kasama ng isang lalaki na nagngangalang Gadianton, ay nangako sa kanilang tagasunod ng prominenteng katungkulan sa gobyerno kung itataguyod nila ang pag-akyat ni Gadianton sa hukumang luklukan; si Kishkumen ay nagplanong patayin si Helaman.

Subalit masdan, si Kiskumen, na siyang pumaslang kay Pahoran, ay nag-abang upang mapatay rin niya si Helaman; at siya ay itinaguyod ng kanyang pangkat, na mga nakipagtipan na walang sinumang makaaalam ng kanyang kasamaan. Sapagkat may isang Gadianton, na napakabihasa sa maraming salita, at gayon din sa kanyang katusuhan, upang ipagpatuloy ang lihim na gawain ng pagpaslang at ng panloloob; anupa’t siya ang naging pinuno ng pangkat ni Kiskumen.

Anupa’t kanyang hinibok sila, at gayon din si Kiskumen, na kung kanilang iuupo siya sa hukumang-luklukan ay ipagkakaloob niya sa mga yaong nabibilang sa kanyang pangkat na iluklok sila sa kapangyarihan at karapatan sa mga tao; kung kaya’t hinangad ni Kiskumen na patayin si Helaman.

Helaman 2:6

Samantala, isa sa mga tagapagsilbi ni Helaman ay nagbalatkayo sa mga pangkat ni Gadianton, at nalaman ang tungkol sa kanilang plano laban kay Helaman.

At ito ay nangyari na, nang siya ay humayo patungo sa hukumang-luklukan upang patayin si Helaman, masdan, isa sa mga tagapagsilbi ni Helaman, na lumabas sa gabi, at matapos matamo, sa pamamagitan ng pagbabalatkayo, ang kaalaman ng mga yaong plano na inilatag ng pangkat na ito upang patayin si Helaman—

Helaman 2:7

Ang mga tagapagsilbi ni Helaman ay humayo sa gabi at nakipagkita kay Kishkumen, na humiling sa tagapagsilbi na dalhin siya kay Helaman.

At ito ay nangyari na, na nakatagpo niya si Kiskumen, at kanyang binigyan siya ng palatandaan; kaya nga ipinaalam sa kanya ni Kiskumen ang layunin ng kanyang naisin, hinihiling na kanyang samahan siya sa hukumang-luklukan upang mapaslang niya si Helaman.

Helaman 2:8

Ang tagapagsilbi ni Helaman ay nanatili sa kanyang pagbabalatkayo, at sumang-ayon na dalhin si Kiskumen kay Helaman.

At nang malaman ng tagapagsilbi ni Helaman ang lahat ng nasa puso ni Kiskumen, at kung paanong layunin niya ang pumaslang, at na ang layunin din ng lahat ng yaong nabibilang sa kanyang pangkat ay pumaslang, at manloob, at magtamo ng kapangyarihan, (at ito ang lihim nilang plano, at kanilang pagsasabwatan) na sinabi ng tagapagsilbi ni Helaman kay Kiskumen:

Halina’t tayo ay magtungo sa hukumang-luklukan.

Helaman 2:9

Habang sila ay papunta sa hukumang luklukan, kung nasaan si Helaman, ang tagapagsilbi ni Helaman ay sinaksak si Kiskumen, na siyang namatay; pagkatapos siya ay tumakbo pabalik kay Helaman at sinabi sa kanya ang lahat ng nangyari.

Ngayon labis itong ikinasiya ni Kiskumen, sapagkat inakala niyang maisasagawa niya ang kanyang layunin; subalit masdan, ang tagapagsilbi ni Helaman, habang patungo sila sa hukumang-luklukan, ay sinaksak si Kiskumen maging sa puso, kaya’t bumagsak siyang patay nang walang pagdaing. At siya ay tumakbo at sinabi kay Helaman ang lahat ng bagay na kanyang nakita, at narinig, at nagawa.

Helaman 2:10–11

Si Helaman ay nagpadala ng mga opisyal upang hulihin ang mga pangkat ni Gadianton, subalit, nalalamang si Kiskumen ay hindi na nakabalik, ang mga pangkat ni Gadianton ay tumakas patungong ilang, at nanatiling hindi natatagpuan.

At ito ay nangyari na, na si Helaman ay nagpasugo upang dakpin ang pangkat na ito ng mga tulisan at lihim na mamamatay-tao, upang sila ay maparusahan alinsunod sa batas. Subalit masdan, nang matuklasan ni Gadianton na si Kiskumen ay hindi nakabalik siya ay natakot na baka siya ay patayin; kaya nga pinasunod niya sa kanya ang kanyang pangkat. At nagsitakas silang palabas ng lupain, sa isang lihim na daan, patungo sa ilang; at sa gayon nang magpasugo si Helaman upang dakpin sila ay hindi na sila matagpuan.

Helaman 2:12–14

Si Gadianton at ang kanyang mga ideolohiya ay nagpapatunay ng pagbagsak ng mga taong Nephita.

At marami pa hinggil sa Gadiantong ito ang babanggitin pagkaraan nito. At sa gayon nagtapos ang ikaapatnapu at dalawang taon ng panunungkulan ng mga hukom sa mga tao ni Nephi. At masdan, makikita ninyo sa katapusan ng aklat na ito na ang Gadiantong ito ang nagpatunay sa pagbagsak, oo, halos sa ganap na pagkalipol ng mga tao ni Nephi. Masdan hindi ko ibig sabihin ang katapusan ng aklat ni Helaman, kundi ibig kong sabihin ang katapusan ng aklat ni Nephi, kung saan ko hinangong lahat ang ulat na aking isinulat.