At ito ay nangyari na, na sa huling bahagi ng ikalabingwalong taon ay nakapaghanda na para sa digmaan ang mga yaong hukbo ng mga yaong tulisan, at nagsimulang bumaba at mabilis na humayo mula sa mga burol, at mula sa mga bundok, at sa ilang, at kanilang mga muog, at kanilang mga lihim na lugar, at nagsimulang angkinin ang mga lupain, kapwa mga lupaing katimugan at mga lupaing kahilagaan, at nagsimulang angkinin ang lahat ng lupaing iniwan ng mga Nephita, at ang mga lunsod na iniwang mapapanglaw.
Subalit masdan, walang mababangis na hayop ni mga hayop na sinisilo sa mga lupaing yaon na iniwan ng mga Nephita, at walang mga hayop na sinisilo para sa mga tulisan maliban lamang sa ilang. At ang mga tulisan ay hindi mabubuhay maliban lamang sa ilang, dahil sa kakulangan ng pagkain; sapagkat nilisan ng mga Nephita ang kanilang mga lupain na mapanglaw, at tinipon ang kanilang mga kawan ng tupa at kanilang mga baka at lahat ng kanilang ari-arian, at sila ay nasa iisang pangkat.
Anupa’t walang pagkakataon na ang mga tulisan ay makapandambong at makakuha ng pagkain, maliban kung sasalakay ng hantarang pakikidigma laban sa mga Nephita; at dahil ang mga Nephita ay nasa iisang pangkat, at may napakalaking bilang, at matapos makapaglaan ng pagkain para sa kanilang sarili, at mga kabayo at baka, at bawat uri ng kawan, upang sila ay mabuhay sa loob ng pitong taon, kung aling panahon ay umaasa silang malilipol na ang mga tulisan mula sa ibabaw ng lupain; at sa gayon lumipas ang ikalabingwalong taon.
At ito ay nangyari na, na sa ikalabingsiyam na taon ay nalaman ni Giddianhi na siya ay kinakailangang umahon upang makidigma laban sa mga Nephita, sapagkat walang paraan upang sila ay mabuhay maliban sa pandarambong at pagnanakaw at pagpaslang. At hindi sila nangahas na ikalat ang kanilang sarili sa ibabaw ng lupain nang sa gayon sila ay makapagtanim ng butil, at baka salakayin sila ng mga Nephita at patayin sila; anupa’t si Giddianhi ay nagbigay-kautusan sa kanyang mga hukbo na sa taong ito sila ay aahon upang makidigma laban sa mga Nephita.
At ito ay nangyari na, na sila ay sumalakay upang makidigma; at ito ay sa ikaanim na buwan; at masdan, kasindak-sindak at kakila-kilabot ang araw nang sumalakay sila upang makidigma; at sila ay nabibigkisan alinsunod sa pamamaraan ng mga tulisan; at sila ay may balat ng kordero sa kanilang mga balakang, at sila ay nakukulayan ng dugo, at ang kanilang mga ulo ay ahit, at mayroon silang baluti sa ulo, at kasindak-sindak at kakila-kilabot ang anyo ng mga hukbo ni Giddianhi, dahil sa kanilang baluti, at dahil sa kanilang pagkakakulay ng dugo.
At ito ay nangyari na, na ang mga hukbo ng mga Nephita, nang makita nila ang anyo ng hukbo ni Giddianhi, ay nangabuwal na lahat sa lupa, at pinaabot nila ang kanilang mga pagsusumamo sa Panginoon nilang Diyos, na sila ay kaawaan niya at sila ay iligtas mula sa kamay ng kanilang mga kaaway.
At ito ay nangyari na, nang makita ito ng mga hukbo ni Giddianhi ay nagsimula silang sumigaw sa malakas na tinig, dahil sa kanilang galak, sapagkat kanilang inakalang nangabuwal ang mga Nephita sa takot dahil sa sindak sa kanilang mga hukbo.
Subalit sa bagay na ito sila ay nabigo, sapagkat sila ay hindi kinatatakutan ng mga Nephita; kundi kinatatakutan nila ang kanilang Diyos at nagsumamo sa kanya upang mapangalagaan; anupa’t nang sila ay salakayin ng mga hukbo ni Giddianhi ay nakahanda silang harapin sila; oo, sa lakas ng Panginoon ay kanilang hinarap sila.
At ang digmaan ay nagsimula sa ikaanim na buwang ito; at kasindak-sindak at kakila-kilabot ang digmaang yaon, oo, kasindak-sindak at kakila-kilabot ang pagkakatay na yaon, kaya nga’t wala pang nalalamang gayong kalaking pagkakatay sa lahat ng anak ni Lehi mula nang lisanin niya ang Jerusalem. At sa kabila ng mga pagbabanta at ng mga sumpang ginawa ni Giddianhi, masdan, sila ay nagapi ng mga Nephita, hanggang sa umurong sila mula sa kanilang harapan.
At ito ay nangyari na, na iniutos ni Gidgiddoni na tugisin sila ng kanyang mga hukbo hanggang sa mga hangganan ng ilang, at na wala silang bubuhayin ni isa man sa mga babagsak sa kanilang mga kamay sa daan; at sa gayon nila tinugis sila at pinagpapatay sila, hanggang sa mga hangganan ng ilang, maging hanggang sa matupad nila ang kautusan ni Gidgiddoni. At ito ay nangyari na, na si Giddianhi, na tumindig at nakipaglaban nang buong tapang, ay tinugis nang siya ay tumakas; at sanhi ng kapaguran dahil sa kanyang labis na pakikipaglaban siya ay naabutan at napatay. At gayon ang naging wakas ni Giddianhi, ang tulisan.