At ang digmaan ay nagsimula sa ikaanim na buwang ito; at kasindak-sindak at kakila-kilabot ang digmaang yaon, oo, kasindak-sindak at kakila-kilabot ang pagkakatay na yaon, kaya nga’t wala pang nalalamang gayong kalaking pagkakatay sa lahat ng anak ni Lehi mula nang lisanin niya ang Jerusalem. At sa kabila ng mga pagbabanta at ng mga sumpang ginawa ni Giddianhi, masdan, sila ay nagapi ng mga Nephita, hanggang sa umurong sila mula sa kanilang harapan.