NGAYON ito ay nangyari na, na ang ikasiyamnapu at isang taon ay lumipas at ito ay anim na raang taon na mula sa panahong lumisan si Lehi sa Jerusalem; at ito ay sa taon na si Laconeo ang punong hukom at gobernador ng lupain. At si Nephi, na anak ni Helaman, ay lumisan sa lupain ng Zarahemla, nagtatagubilin sa kanyang anak na si Nephi, na kanyang pinakamatandang anak na lalaki, hinggil sa mga laminang tanso, at lahat ng talaang iningatan, at lahat ng yaong bagay na iningatang banal simula pa sa paglisan ni Lehi mula sa Jerusalem. Pagkatapos siya ay lumisan sa lupain, at kung saan siya nagtungo, walang taong nakaaalam; at ang kanyang anak na si Nephi ang nag-ingat ng mga talaan na kahalili niya, oo, ang talaan ng mga taong ito.
At si Nephi, na ama ni Nephi, na nangangalaga sa mga talaan, ay hindi na bumalik sa lupain ng Zarahemla, at hindi na natagpuan pa sa buong lupain.
At ito ay nangyari na, na sa pagsisimula ng ikasiyamnapu at dalawang taon, masdan, ang mga propesiya ng mga propeta ay nagsimulang ganap na matupad; sapagkat nagsimulang magkaroon ng mga higit na dakilang palatandaan at dakilang himala na ginawa sa mga tao. Subalit may ilan na nagsimulang magsabi na ang panahon ay nakalipas na upang ang mga salita ay matupad, na sinabi ni Samuel, ang Lamanita. At sila ay nagsimulang magsaya laban sa kanilang mga kapatid, sinasabing:
Masdan, ang panahon ay lumipas na,
at ang mga salita ni Samuel ay hindi natupad;
anupa’t ang inyong kagalakan at ang inyong pananampalataya hinggil sa bagay na ito
ay nawalang-saysay.
At ito ay nangyari na, na sila ay lumikha ng malaking pagkakaingay sa buong lupain; at ang mga taong naniniwala ay nagsimulang malungkot nang labis, at baka sa anong paraan ang mga bagay na sinabi ay hindi mangyari. Ngunit masdan, sila ay matatag na naghintay sa maghapong yaon at sa magdamag na yaon at sa maghapon na magiging isang araw na parang walang gabi, upang malaman nila na ang kanilang pananampalataya ay hindi nawalang-kabuluhan.
Ngayon ito ay nangyari na, na may isang araw na itinakda ang mga di naniniwala, na ang lahat ng yaong naniniwala sa gayong kaugalian ay nararapat na patayin maliban kung ang palatandaan ay mangyari, na ibinigay ni Samuel, ang propeta.