Ngayon, ang malaking kawalang ito ng mga Nephita, at ang malaking pagkatay sa kanila, ay hindi sana naganap kung hindi dahil sa kanilang kasamaan at kanilang mga karumal-dumal na gawain na nasa kanila; oo, at ito ay nasa mga yaong nagpapahayag din na kabilang sila sa simbahan ng Diyos.
At dahil ito sa kapalaluan ng kanilang mga puso, dahil sa labis na kayamanan nila, oo, dahil ito sa kanilang pang-aapi sa mga maralita, ipinagkakait ang kanilang pagkain sa mga nagugutom, ipinagkakait ang kanilang mga kasuotan sa mga hubad, at sinasampal sa pisngi ang kanilang mga mapagpakumbabang kapatid, kinukutya ang yaong banal, itinatatwa ang diwa ng propesiya at ng paghahayag, pumapaslang, nandarambong, nagsisinungaling, nagnanakaw, nakikiapid, nagpapasimula sa malalaking alitan, at tumitiwalag patungo sa lupain ng Nephi, sa mga Lamanita—
At dahil sa malaking kasamaang ito, at kanilang pagmamalaki sa kanilang sariling lakas, sila ay naiwan sa kanilang sariling lakas; kaya nga, hindi sila umunlad, kundi pinahirapan at binagabag, at itinaboy sa harapan ng mga Lamanita, hanggang sa sila ay mawalan ng pag-aari sa halos lahat ng kanilang mga lupain.
Subalit masdan, si Moronihas ay nangaral ng maraming bagay sa mga tao dahil sa kanilang kasamaan, at gayon din sina Nephi at Lehi, na mga anak na lalaki ni Helaman, ay nangaral ng maraming bagay sa mga tao, oo, at nagpropesiya ng maraming bagay sa kanila hinggil sa kanilang mga kasamaan, at kung ano ang mangyayari sa kanila kung hindi sila magsisisi ng kanilang mga kasalanan. At ito ay nangyari na, na sila ay nagsisi, at yaman din lamang na nagsisi sila ay nagsimula silang umunlad.
Sapagkat nang makita ni Moronihas na nagsisi sila ay nangahas siyang pamunuan sila nang lugar sa lugar, at lunsod sa lunsod, maging hanggang sa mabawi nila ang kalahati ng kanilang mga ari-arian, at ang kalahati ng lahat ng kanilang mga lupain. At sa gayon nagtapos ang ikaanimnapu at isang taon ng panunungkulan ng mga hukom.