Ngayon, ang malaking kawalang ito ng mga Nephita, at ang malaking pagkatay sa kanila, ay hindi sana naganap kung hindi dahil sa kanilang kasamaan at kanilang mga karumal-dumal na gawain na nasa kanila; oo, at ito ay nasa mga yaong nagpapahayag din na kabilang sila sa simbahan ng Diyos.
At dahil ito sa kapalaluan ng kanilang mga puso, dahil sa labis na kayamanan nila, oo, dahil ito sa kanilang pang-aapi sa mga maralita, ipinagkakait ang kanilang pagkain sa mga nagugutom, ipinagkakait ang kanilang mga kasuotan sa mga hubad, at sinasampal sa pisngi ang kanilang mga mapagpakumbabang kapatid, kinukutya ang yaong banal, itinatatwa ang diwa ng propesiya at ng paghahayag, pumapaslang, nandarambong, nagsisinungaling, nagnanakaw, nakikiapid, nagpapasimula sa malalaking alitan, at tumitiwalag patungo sa lupain ng Nephi, sa mga Lamanita—
At dahil sa malaking kasamaang ito, at kanilang pagmamalaki sa kanilang sariling lakas, sila ay naiwan sa kanilang sariling lakas; kaya nga, hindi sila umunlad, kundi pinahirapan at binagabag, at itinaboy sa harapan ng mga Lamanita, hanggang sa sila ay mawalan ng pag-aari sa halos lahat ng kanilang mga lupain.