Samakatwid, ganito ang wika ng Panginoong Diyos ng mga Hukbo:
O, aking mga tao na naninirahan sa Sion,
huwag kayong matakot sa mga taga-Asiria;
hahampasin ka niya ng isang pamalo,
at magtataas siya ng tungkod laban sa iyo,
tulad ng nakaugalian sa Egipto.
Sapagkat sumandali na lamang,
at magwawakas na ang kapootan,
at aking galit sa kanilang pagkawasak.
At pupukawin siya ng Panginoon ng mga Hukbo ng isang pagpapahirap
alinsunod sa pagkakatay sa Media
sa malaking bato ng Horeb;
at itataas
ang kanyang tungkod sa dagat
gaya nang nakaugalian sa Egipto.
At ito ay mangyayari na sa araw na yaon
ay maaalis ang pasaning
nakaatang sa kanyang balikat,
at ang kanyang singkaw mula sa kanyang leeg,
at mawawasak ang singkaw dahil sa pagpapahid ng langis.
Dumating siya sa Aiat,
nagdaan siya sa Migron;
sa Mikmas ay iniwan ang kanyang mga dala-dalahan.
Nakaraan na sila sa tawiran;
nagpahinga sila sa Gebas;
natakot ang Ramat;
tumakas ang Gibeas ni Saul.
Humiyaw nang malakas,
O anak na babae ni Galim;
iparinig ito sa Lais,
O kaawa-awang Anatot.
Wala nang tao sa Madmena;
nagtipun-tipon ang mga naninirahan sa Gabim upang tumakas.
Ngayong araw na ito ay nakatigil pa siya sa Nob;
iwawasiwas niya ang kanyang kamay
laban sa bundok ng anak na babae ng Sion,
sa burol ng Jerusalem.
Masdan, ang Panginoon,
ang Panginoon ng mga Hukbo ay puputulin ang mga sanga nang kakila-kilabot;
at ibubuwal ang matataas,
at ang matatayog ay ibababa;
Ang kasukalan ng gubat ay kanyang tatabasin ng bakal,
at mawawasak ang Libano sa pamamagitan ng isang makapangyarihan.