Anupa’t ako, si Jacob, ay ipinahayag sa kanila ang mga salitang ito habang tinuturuan ko sila sa templo, matapos kong matanggap ang aking tungkulin mula sa Panginoon. Sapagkat ako, si Jacob, at ang aking kapatid na si Jose ay itinalagang mga saserdote at guro ng mga taong ito, ng kamay ni Nephi.
At tinupad namin ang aming mga tungkulin sa Panginoon, sa pagtanggap ng pananagutan, sa pagsagot sa mga kasalanan ng mga tao sa aming sariling mga ulo kung hindi namin sila tuturuan ng salita ng Diyos nang buong pagsusumigasig; anupa’t sa pamamagitan ng puspusang pangangaral ay hindi marurumihan ng kanilang dugo ang aming mga kasuotan; kung hindi ay marurumihan ng kanilang mga dugo ang aming mga kasuotan, at hindi kami matatagpuang walang bahid-dungis sa huling araw.
Ang mga salitang sinabi ni Jacob, kapatid ni Nephi, sa mga tao ni Nephi, matapos ang pagpanaw ni Nephi:
Ngayon, mga minamahal kong kapatid, ako, si Jacob, alinsunod sa pananagutan kung saan ako ay napapasailalim sa Diyos, na tuparin ang aking tungkulin nang mataimtim, at upang malinis ko ang aking mga kasuotan sa mga kasalanan ninyo, ako ay nagtungo sa templo sa araw na ito upang ipahayag sa inyo ang salita ng Diyos. At nalalaman na rin ninyo na noon pa ay masigasig na ako sa aking tungkulin; subalit sa panahong ito ako ay labis na nabibigatan dahil sa aking labis na paghahangad at pag-aalaala para sa kapakanan ng inyong mga kaluluwa kaysa noon.
Sapagkat masdan, sa ngayon, naging masunurin kayo sa salita ng Panginoon, na aking ibinigay sa inyo. Subalit masdan, makinig kayo sa akin, at malaman na sa pamamagitan ng tulong ng makapangyarihang Lumikha ng langit at lupa ay maaari kong sabihin sa inyo ang hinggil sa inyong mga iniisip, kung paanong nagsisimula kayong maging makasalanan, kung aling kasalanan ay labis na karumal-dumal sa paningin ko, oo, at karumal-dumal sa Diyos.
Oo, ipinagdadalamhati ito ng aking kaluluwa at nanliliit ako sa kahihiyan sa harapan ng aking Lumikha, na kinakailangan kong magpatotoo sa inyo hinggil sa kasamaan ng inyong mga puso.
At labis ko ring ipinagdadalamhati na kinakailangan akong gumamit ng matalim na pananalita hinggil sa inyo, sa harapan ng inyong mga asawa at ng inyong mga anak, marami sa kanilang mga damdamin ay labis na mapagmahal at dalisay at maselan sa harapan ng Diyos, kung aling bagay ay kasiya-siya sa Diyos; At inaakala kong nagtungo sila rito upang makinig sa kasiya-siyang salita ng Diyos, oo, ang salitang humihilom sa sugatang kaluluwa.
Kaya nga, nahihirapan ang aking kaluluwa na ako’y mapilitang magsalita, dahil sa mahigpit na kautusang aking tinanggap mula sa Diyos, na balaan kayo alinsunod sa inyong mabibigat na kasalanan, upang palakihin ang mga sugat ng mga yaong nasugatan na, sa halip na paginhawain at pahilumin ang kanilang mga sugat; at yaong mga hindi pa nasusugatan, sa halip na magpakabusog sa kasiya-siyang salita ng Diyos ay saksakin ng balaraw ang kanilang mga kaluluwa at sugatan ang kanilang maseselang pag-iisip.
Subalit, sa kabila ng kalakihan ng gawain, kinakailangang gawin ko ang naaayon sa mahigpit na ipinag-uutos ng Diyos, at sabihin sa inyo ang hinggil sa inyong kasamaan at mga karumal-dumal na gawain, sa harapan ng yaong may mga dalisay na puso, at bagbag na puso, at sa ilalim ng sulyap ng matalim na mata ng Pinakamakapangyarihang Diyos.
Anupa’t kinakailangang sabihin ko sa inyo ang katotohanan alinsunod sa kalinawan ng salita ng Diyos. Sapagkat masdan, nang nagtanong ako sa Panginoon, ganito ang salitang dumating sa akin, sinasabing: Jacob, magtungo ka sa templo bukas, at ipahayag ang salitang aking ibibigay sa iyo sa mga taong ito.