Samakatwid, siya ay nagbigay ng batas; at kung saan walang batas na ibinigay ay walang kaparusahan; at kung walang kaparusahan ay walang paghatol; at kung walang paghatol ang mga awa ng Banal ng Israel ang aangkin sa kanila, dahil sa pagbabayad-sala; sapagkat sila ay ililigtas ng kapangyarihan niya.
Sapagkat ang pagbabayad-sala ang makasisiya sa mga hinihingi ng kanyang katarungan sa lahat ng yaong walang batas na ibinigay sa kanila, sila ay maliligtas mula sa yaong kakila-kilabot na halimaw, kamatayan at impiyerno, at sa diyablo, at sa lawa ng apoy at asupre, na walang hanggang pagdurusa; at sila ay ibabalik sa yaong Diyos na nagkaloob sa kanila ng hininga, na siyang Banal ng Israel.
Datapwat sa aba niya na binigyan ng batas, oo, yaong may taglay ng lahat ng kautusan ng Diyos, na katulad natin, at lumabag sa mga ito, at sinayang ang mga araw ng kanyang pagsubok, sapagkat kakila-kilabot ang kanyang magiging kalagayan!
O yaong tusong plano niyang masama!
O ang kahambugan, at mga kahinaan, at kahangalan ng mga tao!
Kapag sila ay marurunong,
inaakala nila na sila ay matatalino,
at sila ay hindi nakikinig sa payo ng Diyos,
sapagkat isinasaisangtabi nila ito, inaakala nilang alam nila sa kanilang sarili,
kaya nga, ang kanilang karunungan ay kahangalan at wala silang pakinabang dito.
At sila ay masasawi.
Subalit ang maging marunong ay mabuti kung sila ay makikinig sa mga payo ng Diyos.
Datapwat sa aba sa mayayaman,
na mayayaman sa mga bagay ng daigdig.
Sapagkat sila ay mayayaman, kanilang hinahamak ang mga maralita,
at kanilang pinag-uusig ang maaamo,
at ang kanilang mga puso ay nasa kanilang mga kayamanan;
anupa’t ang kanilang kayamanan ang kanilang diyos.
At masdan, ang kanilang kayamanan ay mawawala ring kasama nila.
At sa aba sa mga bingi na ayaw makinig;
sapagkat sila ay masasawi.
Sa aba sa mga bulag na ayaw makakita;
sapagkat sila rin ay masasawi.
Sa aba sa mga hindi tuli ang puso,
sapagkat ang kaalaman ng kanilang kasamaan
ang babagabag sa kanila sa huling araw.
Sa aba sa mga sinungaling,
sapagkat sila ay itatapon sa impiyerno.
Sa aba sa mamamatay-tao
na pumapatay nang sadya,
sapagkat siya ay mamamatay.
Sa aba sa mga gumagawa ng mga pagpapatutot,
sapagkat sila ay itatapon sa impiyerno.
Oo, sa aba nila na sumasamba sa mga diyus-diyusan,
sapagkat ang diyablo ng lahat ng diyablo ay nalulugod sa kanila.
At, sa madaling salita, sa aba nilang lahat na namatay sa kanilang mga kasalanan;
sapagkat sila ay babalik sa Diyos,
at mamamasdan ang kanyang mukha,
at mananatili sa kanilang mga kasalanan.