Datapwat sa aba sa mayayaman,
_na mayayaman sa mga bagay ng daigdig.
Sapagkat sila ay mayayaman, kanilang hinahamak ang mga maralita,
_at kanilang pinag-uusig ang maaamo,
_at ang kanilang mga puso ay nasa kanilang mga kayamanan;
_anupa’t ang kanilang kayamanan ang kanilang diyos.
At masdan, ang kanilang kayamanan ay mawawala ring kasama nila.
At sa aba sa mga bingi na ayaw makinig;
_sapagkat sila ay masasawi.
Sa aba sa mga bulag na ayaw makakita;
_sapagkat sila rin ay masasawi.
Sa aba sa mga hindi tuli ang puso,
_sapagkat ang kaalaman ng kanilang kasamaan
_ang babagabag sa kanila sa huling araw.
Sa aba sa mga sinungaling,
_sapagkat sila ay itatapon sa impiyerno.
Sa aba sa mamamatay-tao
_na pumapatay nang sadya,
_sapagkat siya ay mamamatay.
Sa aba sa mga gumagawa ng mga pagpapatutot,
_sapagkat sila ay itatapon sa impiyerno.
Oo, sa aba nila na sumasamba sa mga diyus-diyusan,
_sapagkat ang diyablo ng lahat ng diyablo ay nalulugod sa kanila.
At, sa madaling salita, sa aba nilang lahat na namatay sa kanilang mga kasalanan;
_sapagkat sila ay babalik sa Diyos,
_at mamamasdan ang kanyang mukha,
_at mananatili sa kanilang mga kasalanan.